MINALIIT ni Presidente Rodrigo Duterte ang pagkabahala sa mataas na inflation rate na umabot na sa 6.4 porsiyento nitong Agosto, ang pinakamataas sa siyam na taon.
Sa kanyang pagdating sa Davao International Airport mula sa Jordan, sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag na bawat administrasyon ay nakararanas ng inflation.
“Wala namang administrasyon na dumaan na walang inflation. Lahat dumaan,” pahayag ng Pangulo.
“Itong akin, as you know, believe it or not, this started when America became… panahon ni [President Donald] Trump. Nag-constrict talaga ‘yung taxes nila, kinukubra. Nu’ng tinaas nila ‘yung rates, sabay tayong lahat. “When America raised interest eh ‘di lahat ‘yan nagtaasan,” dagdag ng Pangulo.
Nitong Biyernes sa harap ng Filipino community sa Jordan sinisi ng Pangulo kay Trump ang inflation “‘Yang inflation, dahil kay Trump ‘yan. ‘Yung tariff ban niya on other items,” pahayag nito.
Samantala, sinabi ng Pangulo na ang krisis sa bigas at inflation ay ginagamit ng ilang indibidwal bilang paghahanda sa isang kaganapan sa Oktubre.
Iniulat ng Armed Forces of the Philippines na pinaplano ng communist group na alisin si Duterte sa kanyang puwesto sa susunod na buwan.
“I have to talk to the military. If it will be good for the country, sige, ilabas natin. Anyway they are defending the republic. Can I defend the republic on my own? It is their constitutionally mandated leader. Kung ayaw nilang sumunod, kung ayaw nilang sundin ‘yon,” ayon pa sa Pangulo.