DADALO sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng 315 miyembro ng House of Representatives at 24 mula sa Senado.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kasalukuyan nilang pinaghahandaan ang SONA, na gaganapin sa Hulyo 25 sa Batasang Pambansa Complex.
Aniya, kasalukuyan nilang inaayos ang ilang aspeto hinggil sa paghahanda.
Ang Batasang Pambansa Complex ay magkakaroon din ng kabuuang kapasidad para sa mga mambabatas at miyembro ng Diplomatic Corps.
“We’re on track naman. May mga kaunting fine tuning na lang kami na ginagawa. We’ll be having a meeting siguro late this week, coordination meeting with the interagency, coordinating naman para sa task force natin for SONA. Pero so far we’re okay,” sinabi ni Mendoza.
“Yes full capacity tayo, face to face na ang gagawin natin. So we’re expecting 315 members to be present plus the 24 senators to be there. Members of the Diplomatic Corps lahat ng invited guest natin sana makadalo,” dagdag pa niya.
Ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon mula noong 2019 na ang Kongreso ay magtatampok ng full-capacity na SONA.
Ito ay matapos ang limitadong pagdalo noong 2020 at 2021 dahil sa mga health protocol sa gitna ng pandemya ng COVID-19. LIZA SORIANO