(Lahat ng schools sa Pasay) FACE-TO-FACE CLASSES APRUBADO NA

ISANG executive order ang ipinalabas ng pamahalaang lokal ng Pasay na nag-aapruba sa lahat ng aplikasyon para sa face-to-face classes sa pambribado at pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang post graduate studies sa lungsod.

Sa ilalim ng Executive Order ICR No. 33, Series of 2022 na nilagdaan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano noong nakaraang Marso 4, hindi na hinahadlangan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng aplikasyon ng face-to-face classes ngunit kinakailangan pa rin ang mahigpit na implementasyon ng minimum public health standards.

Inatasan ang lahat ng institusyong pang-edukasyon na mahigpit na ipatupad ang mandatoryong pagsusuot ng face masks, pagpapatupad ng physical distancing, pag-iwas sa mga mass gathering, at regular na disinpeksyon ng mga malimit hawakan na gamit tulad ng doorknobs, buttons, keypads, handles, mesa, silya, counters, lugar na matrapik at mga komon na lugar.

Kasabay nito, ipi­nag-utos sa lahat ng institusyong pang- edukasyon na sumunod sa mga guidelines na inisyu ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Legal Education Board (LEB), at ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Sa preparasyon ng pagsisimula ng face-to-face classes, namahagi ang lokal na pamahalaan ng kabuuang 2,457 laptops na gagamitin ng mga guro at staff sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Bukod pa sa mga ipi­namahaging laptops ay nagbigay din ang lokal na pamahalaan ng mga pocket Wi-Fis, headsets, at hard drive disks.

Sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) nitong Marso 10, personal na ibinigay ni Calixto-Rubiano ang mga gadget kay School Division Superintendent Dr. Loreta Torrecampo at Assistant School Division Superintendent Dr. Arturo Tolentino. MARIVIC FERNANDEZ