LAHAT NG SOBRA AY MASAMA, KAYA KUMAIN NG TAMA

SOBRA-MASAMA

(ni CYRILL QUILO)

WELCOME 2020. Bagong Taon, bagong buhay. Isang taon na naman ang nakalipas. Isang taon na naman tayong tumanda. Matapos ang selebrasyon ng buong pamilya, hindi maiiwasang maraming nakain ang bawat isa sa atin na bawal na mga pagkain.

Sa bawat kainan, tawanan at reunion ay nagsasalo-salo ang magkakapamilya. Pagkatapos nito, marami ang nakadarama ng iba’t ibang sakit. Present din ang high blood dahil sa mga kinain natin ngayong nakaraang okasyon.

Ayon nga sa kasabihan, ang lahat ng sob­ra ay masama. Kaya naman present sa ating katawan ang cholesterol. Ang cholesterol ay isa sa pinakaproblema nating lahat.

Ang High Blood Cholesterol o hypercholesterolemia ay isang major risk factor ng sakit sa puso. Ang cholesterol ay tumataas lalo sa mga taong nagkakaroon na ng edad.

Ang cholesterol ay isang fatty substance na gawa ng ating katawan na mula sa ating kinain. Ito ay nakatutulong sa pag-function ng tama ng ating katawan.

Dahil ang ating atay ay may kakayahan sa lahat ng cholesterol na kinakailangan ng katawan, ang iba ay hindi kina-kailangan ng karagdagang cholesterol.

Para madaling ma­gamit ng katawan ang cholesterol, kailangan nito ng protina. Ito naman ay ang cholesterol-protein package na tinatawag na lipo-protein. Ito ay may dalawang klase, ang low-density lipoprotein (LDL), o tinatawag na bad cholesterol at ang high-density lipoprotein (HDL) o good cholesterol na siyang nagbabalik o kumuha sa sobrang cholesterol at binabalik sa ating atay.

Ang sobrang cholesterol sa dugo ay naiiwan sa ating blood vessels na siyang bumabara sa walls ng arteries na nagdudulot upang mahirapan at sumikip ang daluyan ng dugo.

Ito rin ang dahilan kung kaya hindi nakakukuha ng sapat na oxygen na nagiging sanhi ng heart attack. Pati ang ating utak ay hindi nakakukuha ng sapat na dugo na nauuwi sa stroke.

MGA PUWEDENG GAWIN

  1. Bawasang kumain ng mamantika ng mga 30% pati ang calories.
  2. Bawasan din ang saturated fat. Ito ‘yung nagpapataas ng ating LDL. Ito ay mga galing sa taba ng hayop tulad ng karne ng baboy, baka, vegetable fats tulad ng coconut oil, palm kernel oil, palm oil, cocoa butter, at hydrogenated oil. Lahat ng mga nabanggit ay mataas sa saturated fat.
  3. Iwasan ang mga pagkaing may trans fats. Ito ay makikita sa oils na may hydrogenated. Ito ay makasasama sa ating puso kaysa sa saturated fats.
  4. Iwasan ang mga pagkaing mataas sa cholesterol. Mga pagkaing tulad ng mga lamanloob ng karne (atay, bituka, at iba pa), shell fish, wholemilk at itlog. Iwasan ang pagkain ng mamantika at mataas ang saturated fats.
  5. Kumain ng ma­yaman sa fiber. Makatutulong ito sa pagpapababa ng blood cholesterol. Ang mayaman sa fiber na pagkain ay ang oats, barley, dried beans and peas, apples, pears at carrots.
  6. Magbawas ng timbang. Ang mga matataba o mabibigat na tao ay madalas na mataas ang cholesterol level.
  7. Maging aktibo. Mag-exercise, aerobics, zumba, walking, swimming, biking at jogging. Kapag aakyat sa building, gumamit ng hagdan lalo na kung hindi naman sobrang taas. Puwede ring mag-gardening, maglinis ng sasakyan at kung ano-ano pa sa bahay.
  8. Huwag mani­garilyo. Ang paniniga­rilyo ay nakadaragdag sa cholesterol at masama sa ating puso at blood vessels.
  9. Kapag nasa edad 20 pataas, kinakaila­ngan ng ipa-test ang lipoprotein profile (total cholesterol LDL, HDL, at triglycerides) at least isang beses sa loob ng 5 taon. Kinakailangan ding mag-fasting kapag pinagawa ang mga test na ito.
  10. At kung may mataas na blood cholesterol, dapat na ipa-check din ang kapamilya.

Alagaan natin ang sarili nang lalo nating ma-enjoy ang buhay. (photos mula sa entornointeligente atdepositphotos)

Comments are closed.