(Lakas-loob na negosyo para sa anak) BIKE FOOD CART NI BALONG

ISANG single dad na dating Bantay Bayan ang naglakas ng loob na lumaban bilang isang negosyante mabuhay lamang ang kanyang mga anak.

Ito ang buhay ni Balong Verzosa, 36-anyos at nakatira sa West Rembo, Makati City na kung saan ay mayroong dalawang anak na ang isa ay nasa kanyang asawa samantalang ang isa ay nasa kanyang pag-iingat at pag-aaruga.

Kuwento ni Balong, noong una ay nagtitiyaga at nagsisikap siyang manilbihan bilang isang Bantay Bayan na kahit maliit ang kita ay masarap magsilbi dahil sa nagagawa niyang maglingkod para sa ating mamamayan.

Malaking bagay para kay Balong ang kanyang trabaho bilang Bantay Bayan dahil bukod sa malaking tulong para sa kanyang pamilya ay nakatutulong din siya para mapanatili ang katahimikan at kapayaan sa kanilang lugar.

Ngunit, lumalaki na ang kanyang anak at maraming pangangailangan ang dapat pagtuunan ng pansin kung kaya’t nagdesisyon siyang humanap ng dagdag na kita na nauwi sa ser­yosohang hanapbuhay.

Mula sa kanyang naipon, nagawa ni Balong na makabuo ng isang bike food cart para sa kanyang sariling negosyo.Umabot sa P15,000 ang pagbuo niya ng bike food cart na kung saan kasama rito ang isang bike na may side car, kalan, tangke, kawali, glass shelf na lagayan ng mga panindang kikiam, squid ball at iba pa. Sa bawat stick ng kanyang panindang squid ball at kikiam ay nagkakahalaga ng P12 at may kasamang masarap na mahanghang at matamis na sawsawan.

Hindi madali ang ginagawang paghahanapbuhay ni Balong dahil kailangan niyang isama sa pagtitinda ang kanyang 10-taong gulang na anak na hinihintay na matapos ang online class bago magsimulang magtinda  dahil sa walang magbabantay at para matiyak ang kaligtasan nito.

Si Balong ay nagsisimulang magtinda sa kanilang lugar sa West Rembo nang ala-1 ng tanghali at iikot hanggang sa Barangay Cembo hanggang sa maubos ang kanyang dalang paninda ay saka lamang sila uuwing mag-ama.

Aminado naman si Balong na sa kabila ng pandemyang dulot ng CO­VID-19 ay marami pa rin mga customer ang bumibili sa kanyang paninda na ang sikreto ay bukod sa laging bago at malinis ay masarap ang kanyang sawsawang ginagawa.

Kuwento pa ni Balong ang sikreto din ay ang gamit na mantika hindi dapat na pauli-ulit ng ilang beses dahil sa lubha itong makakaapekto sa lasa ng kanyang mga paninda at sawsawan.

Kaya tinitiyak ni Balong na kahit malaki-laki ang puhunan at gastos sa mantika ay hindi siya nanghihinayang dahil kapalit naman nito ay tiyak na masasarapan at ligtas na makakain ng masustansiya at malinis ang bawat customer niya.

Ipinagmalaki rin ni Balong na siya rin ang gumagawa ng kanyang sawsawan at tinitiyak din niyang ito ay laging bago.

Ipinagmamalaki din ni Balong na maging sila ng kanyang anak ay kumakain din ng kanyang mga paninda.

Aminado si Balong na lubhang malaking tulong sa kanya ang kasaluku­yang negosyo at nagpapsalamat siya sa diyos sa pagkakataong ipagkaloob sa kanya.

Ani Balong, mas malaki ang kita niya kumpara noong siya ay isang Bantay Bayan at mahaba rin ang oras na nailalaan sa kanyang anak na makasama ito.

Tiniyak ni Balong na lalo niyang mamahalin at palalaguin ang kanyang negosyo sa kasalukuyan para sa magandang bukas nilang mag-ama.

Ipinagmamalaki rin ni Balong na bilang may sariling negosyo at mismong amo ay mayroon siyang kalayaan sa kanyang oras na kung kailangan niyang magpahinga o hindi magtinda ay pupuwede at kung ano oras siyang magtinda at magsara ay pupuwede.

Si Balong din ang namimili ng kanyang mga paninda para matiyak na sapat ang budget at tama ang panindang mabibili.

Pasalamat naman si Balong na hindi siya nangungupahan sa kanyang negosyo subalit ang kailangan lamang ay magtiya siyang umikot-ikot at pumadyak para kumita.

Sa bawat padyak ni Balong ay kapalit ay ngiti sa tuwing may bibili sa kanyang customer gayundin ang sarap ng buhay at kaginhawaan naman sa tuwing mauubos ang kanyang paninda at binibilang ang kanyang kinita sa maghapon na hirap na kasama ang kanyang anak. CRISPIN RIZAL