DAHIL sa matinding pinsalang dulot ng bagyong ‘Kristine’ sa iba’t-ibang panig ng bansa ay nagsagawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng malawakang paglilinis at pag-aayos ng mga pambansang kalsada at tulay upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng biyahe sa darating na Undas.
Inatasan ni Public Works and Highways Secretary Manuel M. Bonoan ang pagpapakalat ng mga composite team sa mga piling lugar sa buong bansa upang tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga motorista at tiyakin ang mas maayos at ligtas na biyahe mula alas 8:00 ng umaga sa Oktubre 31 hanggang alas 5:00 ng hapon sa Nobyembre 2.
“We are expecting the influx of motorists for Undas 2024, we are mobilizing our Lakbay Alalay Motorists Assistance Stations to provide prompt and reliable assistance to the traveling public” ani Bonoan.
Ang mga Lakbay Alalay Team ay binubuo ng mga unipormadong tauhan sa field at crew personnel na magtatrabaho sa round-the-clock na shift sa mga itinalagang istasyon.
Bago ang pagsisimula ng lakbay-alalay, ang mga Regional at District Engineering Offices ng DPWH sa buong bansa ay aktibong nagsasagawa ng routine maintenance sa mga pambansang kalsada lalo na sa mga rutang patungo sa mga sementeryo at simbahan.
Dagdag pa rito, inutusan ang mga tanggapan na may mga ongoing na proyekto sa pangunahing ruta na ayusin ang kanilang mga iskedyul ng proyekto kabilang ang paglalagay ng mga road safety signages at traffic advisories upang maiwasan ang pagsikip ng trapiko at hindi inaasahang mga aksidente.
Nakipag-ugnayan din ang DPWH sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at mga Local Government Units (LGUs) para sa anumang kinakailangang tulong.
RUBEN FUENTES