HINDI nagpaawat ang tambalan nina LeBron James at Anthony Davis nang malusutan ng Los Angeles Lakers ang Portland Trail Blazers, 131-122, sa Game 5 ng kanilang Western Conference first round series.
Sa panalo ay namayani ang Lakers sa kanilang best-of-seven series, 4-1, at umabante sa susunod na round ng playoffs. Ito ang unang pagkakataon magmula noong 2012 na umusad ang Lakers sa second round.
Makakasagupa nila ang mananalo sa Houston-Oklahoma City series, kung saan angat ang Rockets sa 3-2.
Naipasok ni Davis ang 14 sa 18 shots para sa 43 points, kasama ang 9 rebounds at 4 assists, habang si James ay 14-of-19 mula sa field at tumapos na may triple double na 36 points, 10 rebounds at 10 assists.
Nagtala rin sina Kentavious Caldwell-Pope (14) at Dwight Howard (11) ng double-digits at bumuslo ang Lakers ng 54.5% mula sa field.
BUCKS 118,
MAGIC 104
Humataw sina Giannis Antetokounmpo at Khris Middleton ng double-doubles sa pagbabalik ng Milwaukee Bucks sa court at pinulbos ang Orlando Magic upang tapusin ang kanilang Eastern Conference first-round playoff series sa 4-1.
Tatlong araw makaraang mag-walk out bilang protesta sa pamamaril kay Jacob Blake sa Kenosha, Wisconsin, umabante ang Bucks ng hanggang 21 points sa pagmartsa sa ika-4 na sunod na panalo na naghatid sa top seed sa Eastern semifinal matchup sa fifth-seeded Miami Heat.
Magsisimula ang best-of-seven sa pagitan ng Bucks at Heat sa Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Nagbuhos si Antetokounmpo ng game-highs 28 points at 17 rebounds nang pangunahan ang Bucks sa kanilang ikalawang sunod na first-round series win makaraang masibak sila roon sa walong sunod na trips sa postseason.
Nag-ambag si Middleton ng 21 points, 10 rebounds at team-high 7 assists para sa Milwaukee na bumawi mula sa shocking 122-110 loss sa eighth-seeded opponent sa Game 1 sa pamamagitan ng apat na panalo na may average na 14.5 points.
Ang Magic, may losing record (33-40) sa regular season, ay pinangunahan ni Nikola Vucevic na may 22 points at 15 rebounds.
Umabante ang Milwaukee sa hanggang 10 points sa first quarter at 17 points sa second period.
Nagdagdag sina Brook Lopez ng 16 points, George Hill ng 11 at Eric Bledsoe ng 10 para sa Bucks, na natalo ng dalawang sunod sa regular season sa Miami bago ginapi ang Heat, 130-116, sa kaagahan ng buwan matapos ang restart.
Tumapos si Evan Fournier na may 18 points, gumawa si D.J. Augustin ng 15, umiskor si Markelle Fultz ng 14 at kumabig si Terrence Ross ng 13 para sa Magic, na nasibak sa playoffs sa first round sa ika-4 na sunod na pagkakataon.
Comments are closed.