LOS ANGELES – Tumabo si Giannis Antetokounmpo ng 32 points upang pagbidahan ang Milwaukee Bucks sa 111-104 panalo laban kay LeBron James at sa Los Angeles Lakers at kunin ang pinakamagandang record sa NBA.
Sa makapigil-hiningang duelo sa pagitan ng mga lider ng Eastern at Western Conferences, ang Milwaukee ang namayani sa potential match-up ng NBA Finals contenders.
Nagdagdag si Antetokounmpo ng 11 rebounds at 7 assists sa impresibong laro, habang nag-ambag si George Hill ng 21 mula sa bench. Gumawa si Khris Middleton ng 15 points at nagdagdag sina Wesley Matthews ng 13 at Brook Lopez ng 10.
Sa panalo ay umangat ang Milwaukee sa 25-4 kartada.
Nakumpleto naman ni James ang triple double na 21 points, 12 rebounds at 11 assists habang pinangunahan ni Anthony Davis ang scoring ng Lakers sa kinamadang 36 points at 10 rebounds.
JAZZ 111,
HAWKS 106
Nagbuhos si Donovan Mitchell ng 30 points, kabilang ang isang reverse layup na nagbigay sa Utah ng kalamangan sa krusyal na sandali, upang tulungan ang bumibisitang Jazz sa panalo laban sa Atlanta Hawks.
Ito ang ika-4 na sunod na panalo ng Utah habang nalasap ng Atlanta ang ika-6 na sunod na kabiguan.
Ito ang ika-8 30-point game ni Mitchell, ang pinakamarami sa koponan. Siya ay 12-for 22 mula sa field, isa lamang dito ang 3-pointer, at nag-dagdag ng limang rebounds at limang assists. Si Mitchell ay may average na 28 points sa nakalipas na limang laro at umiskor ng 30 sa huling dalawa.
Nakakuha rin ang Jazz ng 20 points at 13 rebounds mula kay Rudy Gobert. Nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 19 points at 9 rebounds habang umiskor si Joe Ingles ng 14.
SPURS 118,
NETS 105
Tumirada si Patty Mills ng season-high 27 points mula sa bench at pinangunahan ang rallies sa pagtatapos ng third at fourth quarters nang gapiin ng San Antonio Spurs ang bumibisitang Brooklyn Nets.
Gumawa si Mills ng 11 points sa huling tatlong minuto ng third quarter upang bigyan ang Spurs ng kalamangan at naipasok ang pares ng 3-pointers at dalawang free throws sa huling 3:37 ng laro.
Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 20 points at 10 rebounds para sa Spurs, habang nagtala sina Derrick White at Dejoiunte Murray ng tig-13 points. Nag-ambag sina DeMar DeRozan ng 12 at Marco Belinelli ng 11 points para sa San Antonio.
Nagbuhos si Spencer Dinwiddie ng career-high 41 points para sa Brooklyn.
Nagdagdag sina Jarrett Allen ng 19 points at 13 rebounds, Garrett Temple ng 10 points, at kumalawit si DeAndre Jordan ng 11 rebounds para sa Nets.
Comments are closed.