LAKERS INAPULA ANG BLAZERS

lebron

NAGPASABOG si LeBron James ng season-high 44 points at nalagpasan si Wilt Chamberlain sa No. 5 sa all-time NBA scoring list nang palamigin ng Los Angeles Lakers ang bumibisitang Portland Trail Blazers, 126-117.

Nagdagdag si James ng 10 rebounds at 9 assists at naitala ng Lakers ang ika-4 na sunod na panalo.

Umiskor si JaVale McGee ng 20 points, gumawa si Brandon Ingram ng 17 points at tumirada si Kentavious Caldwell-Pope ng 13 mula sa bench para sa  Lakers, na pinutol ang nine-game home losing streak sa Portland.

Tumipa si Damian Lillard ng 31 points, 8 rebounds at 11 assists, habang umiskor si CJ McCollum ng 23 points, at tumapos si Jusuf Nurkic na may 21 points at 14 rebounds para sa Trail Blazers.

THUNDER 128, KNICKS 103

Tumabo si Paul George ng 35 points nang pataubin ng host Oklahoma ang  New York.

Nagwagi ang Oklahoma City sa ika-9 na pagkakataon sa 10 laro. Nadominahan ng Thunder ang kabuuan ng laro upang ipalasap sa Knicks ang ika-5 kabiguan sa anim na laro at ang ikatlong sunod.

Nagposte si George ng 13 of 22 mula sa field at 5 of 11 sa 3-point line. Nagdagdag si Steven Adams ng 19 points at nakalikom si Dennis Schroder ng 15 points at season-high 12 assists.

Nanguna si Tim Hardaway. Jr.  para sa Knicks na may 20 points habang umiskor si Enes Kanter ng 19 mula sa bench.

CELTICS 111, BULLS 82

Tumipa si Jaylen Brown ng 18 points sa 8-for-14 shooting nang gapiin ng  host Boston ang Chicago upang putulin ang two-game losing streak.

Tumapos si Kyrie Irving na may 17 points, 7 assists at 6 rebounds habang nakagawa ng isang turnover sa loob ng 28 minuto. Nagdagdag sina Jayson Tatum ng 14 points, Gordon Hayward ng 11 at Al Horford ng 10.

Nakakolekta si Shaquille Harrison ng 16 points mula sa bench upang pangunahan ang Bulls. Nagdagdag si Jabari Parker ng 14 points sa 6-for-13 shooting, at nag-ambag si rookie Wendell Carter Jr. ng 11 points at 7 rebounds.

TIMBERWOLVES 107, PELICANS 100

Sumalang na ang mga bagong player ng Minnesota, subalit pina­ngunahan nina holdovers Karl-Anthony Towns at Andrew Wiggins ang panalo laban sa bumibisitang New Orleans.

Kumana si Towns ng 25 points at 16 rebounds,  gumawa si Wiggins ng  23 points, at nag-ambag sina Robert Covington ng 13 at Dario Saric ng 9 points.

Nanguna si E’Twaun Moore para sa Pelicans sa pagkamada ng 31 points, dalawang araw makaraang magbuhos ng 30 sa ikatlong sunod na panalo ng kanyang koponan, 126-110, sa Toronto. Nagsalansan si  Anthony Davis ng 29 points at 11 rebounds.

Sa iba pang laro, na­singitan ng Grizzlies ang Bucks, 116-113; pinaso ng Suns ang Spurs, 116-96; nalusutan ng Magic ang 76ers, 111-106; ginutay ng

Heat ang Nets, 120-107; naungusan ng Pistons ang Raptors, 106-104; namayani ang Mavericks sa Jazz, 118-68;  at tinambakan ng Wizards ang Cavaliers, 119-95.

Comments are closed.