UMISKOR si Anthony Davis ng 9-for-13 sa line tungo sa team-high 27 points at kumalawit ng 10 rebounds upang tulungan ang bisitang Los Angeles Lakers na igupo ang bagong bihis na Golden State Warriors, 125-120, sa nationally televised game noong Sabado ng gabi.
Nagpasabog si Avery Bradley ng limang 3-pointers at tumapos na may 21 points, habang nag-ambag si LeBron James ng 22 points, 8 rebounds at team-high 11 assists para sa Lakers, na nanalo sa ika-9 na pagkakataon sa kanilang huling 11 road games.
Kumana si Andrew Wiggins, isa sa apat na players na nasa kanilang debut sa Warriors, ng 24 points, at tumabo si Marquese Chriss ng season-high 26 para sa Warriors, na natalo sa home sa ika-8 pagkakataon sa kanilang huling siyam na laro.
Galing sa home loss sa Houston noong Huwebes, nakontrol ng Lakers ang laro, kung saan naitarak nito ang 15-point lead sa first half at 21-point advantage sa third period.
Tumapos si Davis sa 9-for-14 mula sa field para sa Lakers, na umangat sa 2-0 laban sa kanilan California rival ngayong season.
Nagdagdag sina Kyle Kuzma at Dwight Howard ng tig-12 points, at gumawa sina Rajon Rondo ng 11 at Danny Green ng 10 para sa Lakers, na bumuslo ng 52.4 percent sa kanilang unang regular-season game sa bagong Chase Center sa San Francisco.
RAPTORS 119, NETS 118
Nagbuhos si Fred VanVleet ng 29 points — 10 sa fourth quarter – upang pangunahan ang Toronto Raptors sa pagbasura sa bisitang Brooklyn Nets at palawigin ang kanilang franchise-best winning streak sa 14 games.
Naisalpak ni Pascal Siakam ang winning free throw, may 22.9 segundo sa orasan, at tumapos na may 20 points para sa Raptors, na nanalo sa 18 sa kanilang huling 19 games kontra Nets, kabilang ang 10 sunod sa home.
Nagdagdag si Terence Davis II ng 20 points para sa Raptors, at nagtala si Matt Thomas ng career-best 15 at umiskor si Serge Ibaka ng 12.
Tumirada si Caris LeVert ng 37 points para sa Brooklyn. Nag-ambag si Spencer Dinwiddie ng 21 points at 11 assists, nakakolekta si DeAndre Jordan ng 15 points at 14 rebounds, habang nagposte sina Taurean Prince ng 17 points at Joe Harris ng 11 para sa Nets.
NUGGETS 117, SUNS 108
Nagpasabog si Jamal Murray ng 36 points, nagdagdag si Nikola Jokic ng 23 points, at nakumpleto ng Denver Nuggets ang season sweep sa Phoenix Suns.
Galing ang Denver sa dalawang araw na pahinga habang nagmula ang Suns sa talo sa Houston Rockets noong Biyernes ng gabi, kung saan bumanat si Kelly Oubre Jr. ng career-high 39 points. Sinundan niya ito ng 20 points laban sa Denver.
KINGS 122,
SPURS 102
Naipasok ni Buddy Hield ang siyam sa 10 mula sa 3-point range at umiskor ng 31 points mula sa bench nang padapain ng Sacramento Kings ang bisitang San Antonio Spurs noong Sabado ng gabi.
Kumamada si Harrison Barnes ng 25 points at 7 rebounds para sa Sacramento na nakopo ang ika-6 na panalo sa nakalipas na walong laro.
Nagdagdag sina Kent Bazemore at Nemanja Bjelica ng tig-15 points, gumawa si De’Aaron Fox ng 13 points at naitala ni Harry Giles III ang career-best 12 rebounds.
Sa iba pang laro ay tinambakan ng bagong bihis na Minnesota Timberwolves ang Los Angeles Clippers, 142-115.
Comments are closed.