LAKERS LIGWAK SA CAVALIERS

SINIRA ng league-leading Cleveland Cavaliers ang unang laro ni LeBron James bilang isang 40-year-old makaraang pataubin ang Los Angeles Lakers, 122-110, noong Martes.

Umiskor si Jarrett Allen ng 27 points at kumalawit ng 14 rebounds, nagdagdag si Donovan Mitchell ng 26 points at tumipa si Evan Mobley ng 20 para sa Cavaliers, na naitala ang ika-8 sunod na panalo at hinila ang kanilang league-best record sa 29-4.

Kumamada si James, na ang apat na NBA titles ay kinabibilangan ng 2016 championship sa kanyamg hometown team Cleveland, ng 23, 4 rebounds, 7 assists, at 1 blocked shot.

Ito ang kanyang unang laro magmula nang ipagdiwang ang kanyang ika-40 kaarawan noong Lunes, at si James ang unang player sa kasaysayan ng liga na naglaro sa kanyang kabataan at sa kanyang 40s.

Nanguna si Austin Reaves para sa Lakers na may impresibong near-triple-double na 35 points, 9 rebounds, at 10 assists.

Umiskor si Anthony Davis ng 28 points at humugot ng 13 rebounds, subalit matapos na dalawang beses na lumamang sa second quarter, ang Lakers ay naghabol ng lima sa halftime at hindi umabante kailanman sa second half.

Sa Boston, tinapos ng NBA champion Boston Celtics ang 2024 sa 125-71 pagdurog sa Toronto Raptors.

Nanalo ang Celtics na may second-largest margin sa franchise history — matapos ang kanilang 56-point triumph sa Chicago noong December 2018.

Naitala ni Jayson Tatum ang 18 sa kanyang 23 points sa third quarter, nang ma-outscore ng Celtics ang Raptors, 45-18, upang tuluyang makalayo.

Umiskor si Payton Pritchard ng 19 points mula sa bench at pitong Celtics players ang nagposte ng double figures.

Naipasok ng Celtics ang 22 sa kanilang 43 three-point attempts at ipinalasap sa Raptors ang ika-11 sunod na kabiguan nito.

Sinabi ni Celtics coach Joe Mazzulla na ang malaking panalo — makaraang matalo ang Celtics sa apat sa kanilang huling anim na laro — ay bahagi lamang ng proseso sa pagtatangka ng Celtics na mapanatili ang kampeonato..

“There’s still stuff that we’ve got to work on… we’ve just got to continue to be better,” ani Mazzulla.

Samantala, binura ng Milwaukee Bucks ang 19-point deficit tungo sa 120-112 panalo kontra Indiana Pacers.

Nakuha ni Bucks star Giannis Antetokounmpo, nagbalik matapos lumiban ng tatlong laro dahil sa karamdaman, ang kanyang rhythm makaraang umiskor lamang ng 4 points sa first half, upang tumapos na may 30 points at 12 rebounds.

Nagdagdag si Brook Lopez ng 16 points at nagposte sina reserves Bobby Portis Jr. at Gary Trent Jr. ng tig-14 points para sa Milwaukee, na naghabol sa 83-64 sa kalagitnaan ng third quarter.

“These are the type of games you need throughout a season to keep you going,” ani Portis. “It was a great game for us, especially going forward, that we can look back on like: OK, cool, we do it one time we can do it again and just keep building, keep building.”

Sa Oklahoma City, nagbuhos si Shai Gilgeous-Alexander ng 40 points at naitala ng Thunder ang kanilang ika-12 sunod na regular-season victory, 113-105, laban sa Minnesota Timberwolves.

Nalamangan ang Thunder ng hanggang 12 sa second quarter at naghabol sa 52-46 sa half time.