NAGTALA sina Grayson Allen at Royce O’Neale ng pinagsamang 12 sa 17 3-pointers ng Suns, kabilang ang tatlo sa krusyal na sandali ng fourth quarter, upang tulungan ang Suns na pataubin ang bisitang Los Angeles Lakers, 123-113, noong Linggo.
Abante ang Phoenix sa halos buong laro, itinarak ang 20 points advantage sa first quarter, subalit humabol ang Los Angeles upang manatiling nakadikit sa buong second half.
Lumapit ang Lakers sa 110-104 bago nagsalpak sina Allen at O’Neale ng back-to-back 3-pointers, may tatlong minuto ang nalalabi. Nagdagdag si O’Neale ng isa pa, may 1:24 ang nalalabi na nagtulak sa kalamangan ng Suns sa 13 points.
Ang lahat ng limang Phoenix starters ay umiskor ng hindi bababa sa 18 points, sa pangunguna ng 24 ni Allen. Bumuslo siya ng 6-of-12 mula sa arc. Tumapos si O’Neale na may 20 points, bumuslo ng 6-of-10 mula sa long range, at kumalawit ng 10 rebounds.
Nagposte si Jusuf Nurkic ng isa pang double-double na may 18 points at 22 rebounds, kulang lamang ng isa para mapantayan ang kanyang career high. Nagbigay rin si Nurkic ng 7 assists.
Tatlumpu’t dalawa sa 44 field goals ng Suns ay naitala via assists, sa pangunguna ng 9 ni Devin Booker. Umiskor si Booker ng 21 points, habang tumapos si Kevin Durant na may 22 points at 7 assists.
Kapwa nagtala sina LeBron James at Anthony Davis ng double-doubles para sa Los Angeles. Nagbuhos si James ng game-high 28 points sa 12-of-19 shooting mula sa floor, habang nagbigay ng game-high 12 assists. Kumalawit din si James ng 7 rebounds.
Nakalikom si Anthony Davis ng 22 points at 14 rebounds, habang nagposte si D’Angelo Russell ng 20 points at 7 assists.
Jazz 128, Spurs 109
Umiskor si Lauri Markkanen ng 26 points upang tulungan ang Utah Jazz na putulin ang five-game losing streak sa panalo kontra San Antonio Spurs.
Nagdagdag si Jordan Clarkson ng 22 points at 10 assists, gumawa si John Collins ng 20 points at 8 rebounds, at nag-ambag si Collin Sexton ng 16 points at 10 assists para sa Utah na nanalo sa unang pagkakataon magmula noong Feb. 6.
Nanguna si Devin Vassell para sa San Antonio na may 27 points, na sinamahan ng 9 rebounds, 5 assists at 3 blocks, subalit nalasap ng Spurs ang ika-4 na sunod na pagkatalo at ika-11 sa kanilang huling 12.
Sinundan ni San Antonio’s Victor Wembanyama ang kanyang makasaysayang 5×5 game laban sa Los Angeles Lakers na may 22 points, 10 rebounds at 5 blocked shots. Umiskor ang Utah ng 14 points mula sa 20 turnovers ng Spurs, nagsalpak ng 17 3-pointers at bumuslo ng 51.1 percent.
Bucks 119, 76ers 98
Nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng 30 points, 12 rebounds at 9 assists upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa panalo laban sa host Philadelphia 76ers.
Nagdagdag si Damian Lillard ng 24 points at 9 assists habang nag-ambag si Malik Beasley ng 20 points at kumabig si Bobby Portis ng 17 para sa Bucks na nagwagi ng dalawang sunod. Nakakolekta si Brook Lopez ng 11 points at 5 blocked shots. Naipasok ng Bucks ang 18 shots mula sa 3-point range, kung saan tumapos si Beasley na may 6-for-7 mula sa distance at bumuslo si Lillard ng 4-for-8.
Na-outshoot ng Milwaukee ang kanilang katunggali — 54.4 percent sa 37.1 percent — mula sa field sa unang salang ni Bucks coach Doc Rivers sa Philadelphia laban sa kanyanh dating koponan.
Nanguna si Tyrese Maxey para sa Sixers na may 24 points, nagdagdag si De’Anthony Melton ng 16 at nagposte si Paul Reed ng 13 points at 8 rebounds. Nag-ambag si Kelly Oubre Jr. ng 12 points at 9 rebounds at umiskor si Buddy Hield ng 11 points.