NAGPASABOG si Anthony Davis ng game-high 34 points at nagdagdag si LeBron James ng 26 nang pulbusin ng Los Angeles Lakers ang Denver Nuggets, 114-108, sa Game 4 ng Western Conference finals noong Huwebes ng gabi sa Orlando (US time).
Umangat ang top-seeded Lakers sa 3-1 lead sa series at isang panalo na lamang ang kailangan para umabante sa NBA Finals. Nakatakda ang Game 5 sa Sabado (US time).
Nanguna si Jamal Murray para sa Nuggets na may 32 points at 8 assists, subalit sumablay siya sa lahat ng tatlo niyang 3-point attempts.
Abante ang Los Angeles sa naunang dalawang series nito sa 3-1 bago tinapos ang Portland Trail Blazers at Houston Rockets upang umusad.
Samantala, muling naharap ang third-seeded Nuggets sa 3-1 deficit. Humabol din sila sa Utah Jazz at Los Angeles Clippers, 3-1, sa kanilang unang dalawang rounds bago ginulantang ang mga ito sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo para umabante.
Makaraang matalo sa unang pagkakataon sa series noong Martes, ang Lakers ay lumamang ng 10 points sa first quarter, 12 sa second at 11 sa third bago dumikit ang Nuggets sa 87-86 sa pares ng free throws ni Monte Morris, may 11:14 ang nalalabi sa laro.
Nagawa ng Denver na manatiling nakadikit sa 105-102 at nakuha ang possession matapos ang turnover ni David. Gayunman ay prinesyur ni James si Murray para magmintis sa short-range, at sumagot si Rajon Rondo sa kabilang dulo para sa five-point lead, may 2:48 ang nalalabi.
Angat pa rin ang Los Angeles ng limang puntos nang magmintis si James sa isang jumper, may 1:05 sa orasan. play. Gayunman ay nakuha ni Lakers’ Kentavious Caldwell-Pope ang offensive rebound at binigyan ng Nuggets ng foul si James, na ang dalawang foul shots, may 59 segundo ang nalalabi, ay nagpalobo sa kalamangan sa 111-104.
Ang free throws nina Rondo (isa) at Davis (dalawa) ang nagselyo sa panalo at naglapit sa Lakers sa kanilang unang NBA Finals appearance magmula nang masungkit ang titulo noong 2010.
Naipasok ni Davis, ang leading scorer ng series, ang 10 sa kanyang 15 shots at nagtala ng 13-for-14 sa free-throw line.
Bumuslo si James ng 11-for-14 sa line at sinamahan si Davis sa paglagay kina Nuggets big men Nikola Jokic at Paul Millsap sa foul trouble.
Kumalawit din si James ng 9 rebounds at game-high-tying 8 assists.
Apat na iba pang Lakers ang umiskor ng double figures, kung saan kumana sina Caldwell-Pope ng 13, Dwight Howard ng 12 at game-high 11 rebounds, Rondo ng 11 at Kyle Kuzma ng 10.
Tumapos si Jerami Grant na may 17 points para sa Denver habang nagdagdag sina Jokic ng 16, Michael Porter Jr. ng13 at team-high 8 rebounds at Morris ng 12.
Comments are closed.