LAKERS PINISAK ANG PELICANS

NAGBUHOS si D’Angelo Russell ng 30 points at nagdagdag si Austin Reaves ng 27 upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa 139-122 panalo kontra bisitang New Orleans Pelicans noong Biyernes.

Sa pagtutuwang ng energetic guard duo ng Lakers sa pagkamada ng siyam na 3-pointers, nag-ambag si Anthony Davis ng 20 points, 6 rebounds at 6  assists, habang tumapos si LeBron James na may 21 points at 14 assists. Gumawa rin si Rui Hachimura ng 21 points para sa Lakers.

Ang Los Angeles ay nagwagi sa ika-4 na pagkakataon sa nakalipas na limang laro, habang umangat sa  6-3 magmula noong Jan. 25.

Tumipa si Zion Williamson ng 30 points at kumalawit ng 9 rebounds at nagdagdag si Brandon Ingram ng 22 para sa Pelicans, na naputol ang four-game winning streak.

Nagposte si CJ McCollum ng  19 points, umiskor si Herbert Jones ng 13 at nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 10 points at 10 rebounds para sa New Orleans, na 1-1 ngayon sa four-game road trip matapos ang 117-106 victory laban sa Los Angeles Clippers noong Miyerkoles.

Raptors 107, Rockets 104

Tumirada si Immanuel Quickley ng 25 points at pinataob ng Toronto Raptors ang bisitang Houston Rockets.

Nagdagdag si RJ Barrett ng 21 points para sa Raptors, na nanalo ng dalawang sunod. Nagsalansan si Scottie Barnes ng 13 points, 10 rebounds, 8 assists at 2 steals, nakakolekta si Jakob Poeltl ng 16 points, 13 rebounds, 6 blocked shots at 3 steals, at nag-ambag si Bruce Brown ng 11 points.

Kumabig si Dillon Brooks ng 20 points at nag-ambag si Cam Whitmore ng 17 para sa Rockets, na tinalo ang Raptors, 135-106, noong nakaraang linggo sa Houston. Nagposte si Jabari Smith Jr. ng 12 points at 11 rebounds, gumawa rin si Aaron Holiday ng 12 points, at nag-ambag si Jeff Green ng 11 points at 6 rebounds.

Inilabas si Whitmore sa third quarter dahil sa sprained ankle.

Kinuha ng Raptors ang 17-point lead sa fourth quarter.

Celtics 133, Wizards 129

Humataw si Jayson Tatum ng game-high 35 points at tumapos si Kristaps Porzingis na may 34 upang tulungan ang  Boston Celtics na dispatsahin ang bisitang Washington Wizards.

Nalamangan ang Boston ng pito sa halftime subalit kinuha ang kontrol nang ma-outscore ang Washington, 36-16, sa third quarter, nang umiskor si Porzingis ng 14 points at nagposte si Tatum ng 11.  Nag-ambag din si Tatum ng 10 rebounds at 8 assists sa panalo, habang nagtala si Porzingis ng  14-for-14 mula sa free-throw line at humugot ng  11 boards.

Naghabol ang Wizards ng apat na puntos, may 51.4 segundo ang nalalabi, subalit nahila ni Porzingis ang kalamangan sa anim nang ipasok ang isang jump shot, may 30.7 segundo sa orasan.

Nahila ang winning streak ng Boston sa tatlong laro at umangat ang home record ng Celtics sa 25-3.

Nagtala sina Deni Avdija at Corey Kispert ng tig-24 points para sa Wizards, na natalo ng limang sunod. Nagdagdag si Avdija ng  11 rebounds. Nakakuha ang Washington ng  21 points mula kay Bilal Coulibaly at 19 kay Jordan Poole. Ibinuslo ng Wizards ang 20 sa kanilang 47 3-point attempts (42.6 percent).

Naipasok ni Jrue Holiday ang siyam sa kanyang 13 field-goal attempts at tumapos na may 20 points para sa Celtics, na may 62-42 advantage sa points sa paint.