NAGBUHOS si D’Angelo Russell ng playoff-career-best 31 points sa 12-of-17 shooting at umusad ang Los Angeles Lakers sa Western Conference semifinals sa 125-85 pagbasura sa bisitang Memphis Grizzlies sa Game 6 ng kanilang series nitong Biyernes.
Umiskor si LeBron James ng 22 points para sa Lakers, na nanalo ng apat sa anim na laro sa first-round matchup. Nagdagdag si Anthony Davis ng 16 points, 14 rebounds at 5 blocked shots para sa seventh-seeded Los Angeles.
Makakasagupa ng Lakers, na bumuslo ng 53.8 percent mula sa field, ang Sacramento Kings o Golden State Warriors sa conference semis.
Tumipa si Santi Aldama ng 16 points mula sa bench, gumawa si Desmond Bane ng 15 points at nagdagdag si Jaren Jackson Jr. ng 14 para sa Memphis. Nagtala sina Ja Morant at Dillon Brooks ng tig-10 points para sa Grizzlies.
Hindi nakapaglaro si Memphis’ Luke Kennard dahil sa left shoulder injury na natamo sa Game 5.
Bumuslo ang Grizzlies ng 30.2 percent lamang mula sa field. Pawang masama ang shooting nina Morant (3 of 16), Bane (5 of 16), Jackson (3 of 12) at Brooks (4 of 11) . Ang koponan ay tumapos sa 12 of 38 (31.6 percent) mula sa arc.
Ang Lakers ay 15 of 44 (34.1 percent) mula sa 3-point range kung saan kumana si Russell ng lima at nagsalpak si Jarred Vanderbilt ng tatlo. Nag-ambag si Austin Reaves ng 11 points, 8 assists at 6 rebounds para sa Los Angeles.
Umiskor si James ng 16 points at nagdagdag si Russell ng 14 at bumuslo ang Lakers ng 59.5 percent mula sa field sa first half habang kinuha ang 59-42 lead.
Kings 118, Warriors 99
Nagtala sina Malik Monk at De’Aaron Fox ng pinagsamang 54 points at naipuwersa ng Sacramento Kings ang seventh at decisive game sa kanilang Western Conference first-round playoff series kontra Golden State Warriors sa panalo sa San Francisco.
Magkakaroon ng pagkakataon ang third-seeded Kings na tapusin ang serye sa home sa Linggo, para sa kanilang unang playoff-series win sa loob ng 19 taon. Bukod dito, ang panalo ng Sacramento ay sisibak sa Warriors, ang defending champions ng NBA.
Umabante ang Kings ng hanggang 11 points sa second quarter at hindi na lumingon pa. Naitarak ng Sacramento ang 10-point advantage, may 12minuto ang nalalabi.
Bumuslo nang may kumpiyansa para sa isang koponan na nanguna sa Western Conference sa road wins ngayong season, si Monk ay nagbida na may 28 points, upang tulungan ang visitors na maiposte ang 52-21 sa points mula sa bench. Nag-ambag si fellow reserve Trey Lyles ng 12 points para sa Kings, na nalagay sa panganib ng pagkakasibak sa home loss sa Game 5 noong Miyerkoles.
Tumabo si Fox ng 26 points at 11 assists habang kumabig si Keegan Murray ng 15 at team-high 12 rebounds.