(Lalabag sa health protocols) MULTA SA PBA PLAYERS

Willie Marcial

PAGMUMULTAHIN ang mga player na lalabag sa health protocols na ipatutupad ng PBA sa team workouts.

Ayon kay league commissioner Willie Marcial, ang pagpapataw ng parusa sa guilty players ay napagkasunduan sa PBA Board meeting noong weekend bilang paraan para matiyak na mahigpit na sinusunod ang guidelines sa ilalim ng ‘closed circuit concept’.

Aniya, kailangang mahigpit na sumunod ang mga player sa daily routine na home-gym-home sa sandaling magsimula ang workout ng mga koponan by batch sa Hulyo 22.

Kung hindi ay pagmumultahin sila ng P5,000 o higit pa.

“Ang players dapat bahay, sasakyan, gym. So dapat huwag kang aalis (sa concept),” wika ni Marcial sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast kahapon.

“Kung lalabas ka at pupunta sa supermarket or drugstore dahil hindi mo naman maiiwasan, kailangan sabihin mo kasi may (daily) log kami. Dapat may disiplina talaga.”

Ang first offender ay pagmumultahin ng  P5,000, kung saan tataas ang halaga sa dami ng paglabag na isasagawa.

Mas mataas naman ang multa sa players na lalabag sa protocols sa panahon ng individual workouts.

“Kapag ang players naman nag-violate ng protocols sa practice, P20K (ang fine nila),” pagbibigay-diin ni Marcial sa weekly forum.

“Mas malaki ‘yung fine kapag nilabag mo ‘yung protocols doon sa practices.”

Magiging doble ang multa sa mga susunod na paglabag.

Maging ang health officer na nangangasiwa sa pagmo-monitor sa workout ng players ay hindi ligtas sa parusa.

“Sabi ko sa mga player magsabi kayo sa amin kung may violation ang safety officer ninyo. At kapag nalaman namin at napatunayan na may violation nga, P20K ‘yun,” ani Marcial.

Apat na players at isang coach o trainer lamang, kasama ang safety officer ang papayagan sa loob ng training facility sa sandaling magsimula ang workouts.

Ang mga player at iba pang may kinalaman sa workouts ay kinakaila­ngang sumailalim sa  swab testing sa San Miguel Corp. facilities.

Comments are closed.