(Lalabag sa OSHS law)KULONG, MULTA SA EMPLOYERS

MAHAHARAP sa mabigat na parusa ang mga employer na lalabag sa Occupational Safety and Health Standards law o OSHS law.

Sa House Bill 2126 na inihain ng Makabayan bloc ay pinaaamyendahan ang OSHS law kung saan ituturing na isang krimen ang paglabag ng mga employer sa nasabing batas.

Nakasaad sa panukala na maaaring maharap ang isang employer sa P300,000 hanggang P500,000 pagmumulta o pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon kung ang paglabag sa OSHS law ay magreresulta sa physical injury ng empleyado.

Kapag ang empleyado ay nasawi, pagkabilanggo ng anim hanggang 12 taon bukod pa sa P1 million hanggang P3 million na multa ang parusa sa employer.

Bukod dito, kakanselahin din ang business permit ng mga employer, contractor at subcontractor sa mga paulit-ulit na paglabag sa batas.

Mahigpit ding ipagbabawal ang pagpapapirma ng mga employer ng waiver o affidavit sa mga kaanak ng mga empleyadong nasawi para lang makalusot sa pananagutan.

Puna ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, sa kabila ng pagkakaroon ng batas para sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga manggagawa’t empleyado, marami pa ring mga employer ang pabaya kaya hindi pa rin nawawala ang mga aksidente sa mga lugar na pinagtatrabahuan.

CONDE BATAC