SIMULA sa Biyernes, Nobyembre 9 ay magsisimula nang manghuli ang mga awtoridad ng mga trader at retailer na lalabag sa suggested retail price (SRP) sa bigas.
Makakatuwang ng National Food Authority ang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP) sa panghuhuli ng mga violator.
Ang mga lalabag ay magmumulta ng P2,000 hanggang P1 milyon at pagkakabilanggo ng apat na buwan hanggang apat na taon.
Muling nagbabala ang NFA sa mga negosyanteng hindi susunod sa SRP na inilabas ng Department of Agriculture (DA) nitong Oktubre 27 sa mga bigas na nakaklasipika lamang na regular milled rice (RMR), well-milled rice (WMR) premium at special rice dahil inalis na ang mga pangalan ng sinandomeng at iba pa.
Nasa SRP ang mga sumusunod: Imported well-milled – P39, Imported premium (PG1) – P43, Imported premium (PG2) – P40, Local regular-milled – P39, Local well-milled – P44, Local premium grade – P47 habang ang Special rice – no SRP. NENET VILLAFANIA