HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita habang arestado naman ang isang kasama nito sa Caloocan City, Lunes ng gabi.
Ang biktimang hindi na nakarating sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa panga ay nakilalang si Mark Llanete habang naaresto naman ang kasama nito na Fernando Pascual, 30-anyos, ng No. 512 Esguerra Street, Tondo.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, dakong alas-9:40 ng gabi nang magsagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Caloocan Police Anti-Carnapping Unit sa kahabaan ng A. Mabini Street, corner Guido 4, Barangay 33, Maypajo nang maispatan ng mga ito ang tatlong lalaki na sakay ng isang motorsiklo.
Nang lapitan ang mga ito ni PCpl Philip Tizon, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek subalit dahil sa nakaalerto ang mga pulis ay naunahan itong pinaputukan na sapul sa panga dahilan upang bumagsak sa semento.
Tumakas ang dalawang kasama nito subalit hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner si Pascual at nakatakas naman ang isa nilang kasama.
Narekober ng pulisya kay Llanete ang isang cal. 38 revolver at nakumpiska rin ang motorsiklo ng mga suspek habang inaalam na kung sangkot ang mga ito sa ilegal na mga gawain. EVELYN GARCIA
Comments are closed.