QUEZON – PATAY ang isang lalaki matapos matabunan ng gumuhong lupa sa quarry site sa bayan ng Tagkawayan nitong nakaraang Sabado.
Kinilala ang biktima na si Ramil Garing Hernandez, 48-anyos, residente ng Brgy. Mapulot at anak ng may-ari ng lupa na quarry site.
Base sa report ng Tagkawayan PNP na pinamumunuan ni Maj Erick Veluz nitong Lunes lamang nai-report sa pulisya ang insidente dakong alas-10 ng umaga kasama ang kapatid ng biktima at isa pa nitong kaanak.
Nabatid na nakatayo ang mga ito sa gilid ng tinitibag na bundok ng isang backhoe sa Sitio Labak, Barangay Mapulot nang biglang gumuho ang lupa na nasa humigit kumulang 30 talampakan ang taas at natabunan ng buhay ang tatlong biktima.
Agad nirescue ang tatlong natabunan ng kanilang mga kasama at makaraan ang 20 minuto ay nahukay ang mga ito at isinugod sa ospital subalit, idineklara dead on arrival ng doktor si Hernandez samantalang nagtamo lamang ng minor injury at nasugatan ang dalawang kasama nito.
Ayon kay Veluz, hepe ng Tagkawayan police, halos wala pang dalawang Linggo na nag-ooperate ng quarry site ang may-ari ng lupa.
Ayon naman sa may-ari ng lupa, under process pa ang kanilang ina-apply na quarrying permit sa DENR kung kaya’t walang itong maipakita na kaukulang permit sa mga awtoridad.
Matatandaang nito lamang nakaraang buwan, nagpalabas ng Moratorium si Quezon Governor Angelina “Helen” Tan sa lahat ng quarry operation sa buong lalawigan ng pagbabawal at magpapatigil ng mga operasyon ng mga quarry subalit sa kabila ng ginagawang paghihigpit at pagmomonitor ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) na sangay ng Provincial Government sa ipinatutupad na Moratorium sa mga quarry ay nagagawa pang makalusot at makapag-operate ang iligal quarry sa bayan ng Tagkawayan.
Iniimbestigahan na ng mga pulis at mga tauhan ng DENR- Municipal Environmetal Office (MENRO) ang insidente.
Nilinaw naman ng Tagkawayan PNP Maj Veluz na walang kaugnayan sa bagyong Pepito ang pagguho ng lupa dahil naganap na ang insidente isang araw bago pa mag-land fall sa kalupaan ng Quezon si bagyong Pepito.
BONG RIVERA