LALAKI PA BA ANG DIGMAAN SA GITNANG SILANGAN?

magkape muna tayo ulit

Ilang araw lamang ang nakalipas, nagpa­ulan ng misil ang hukbong sandatahan ng Israel sa Iran. Ito ay bilang tugon sa papalipad ng mahigit na 200 na misil sa Israel noong ika-1 ng Oktubre, bilang ganti sa pagpatay ng lider ng Hezbollah na si  Hassan Nasrallah.

Noong ika-27 ng Setyembre nagkaroon ng airstrike ang Israel sa kuta ng Hezbollah kung saan nandun si Nasrallah. Ang Iran ay isang malakas na kaalyado ng Hezbollah laban sa Israel. Sa katunayan, halos lahat ng armas, misil at bomba na ginagamit ng Hezbollah kontra Israel ang nanggagaling sa Iran.

Kaya naman ang pagpapaulan ng misil ng Iran sa bansang Israel ay isang mensahe sa pakikiisa ng Iran sa Hezbollah at sa pagpatay ng kanilang lider.

Ang buong mundo ay nag- antabay kung ang aksyon ng Iran laban sa Israel ay hudyat ng matinding ganti ng Israel. Ang mga ibang bansa sa Middle East tulad ng Saudi Arabia, Jordan, UAE, Qatar kasama ang Estados Unidos at France ay agad na pumagitna sa dalawang nag uumpugan na bansa.

Nagpahayag kasi ng banta ang Israel. Hindi raw nila palalagpasin ang aksyon na ginawa ng Iran. Dagdag pa rito, naniniwala ang Israel na kung sino man ang umatake sa kanila ay mas higit ang igaganti nila.

Ipit ang pamunuan ni US President Joe Biden sa sitwasyon na ito. Nasa kasagsagan kasi ng presidential election ang kanilang bansa. Ang kanyang manok na si bise presidente Kamala Harris ay siyang tumatakbo para sa partido ng Democrats laban kay Republican candidate at nais bumalik na pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump.

Sa ngayon, mahigpit ang laban nina Harris at Trump batay sa isinasagawang survey. Kaya naman maingat ang administras­yon ni Biden sa mga susunod na hakbang sa sigalot sa Middle East.

Lumipas ang ilang araw at noong Biyernes ay tinupad ng Israel ang kanilang banta laban sa Iran. Nagpaulan ng misil ang Israel sa mga piling lokasyon sa Iran. Batay sa balita, nagsagawa ang Israel ng ‘precision bombing’ sa loob ng Iran kung saan pinasabog nila ang ilang pagawaan mga misil at ang kanilang gamit para sa kanilang air defense.

Kanya kanyang bersyon ang dalawang bansa sa tagumpay o kabiguan na atakeng ito. Para sa Israel, matagumpay raw  ang isinagawa nilang misyon. Para naman sa Iran, halos wala raw nasirang pasilidad military sa isinagawang air raid ng Israel.

 Ano kaya ang susunod na kabanata dito? Para sa akin, tila seryoso ang Israel na tapusin na ang matagal na paulit-ulit na paninira ng mga grupo at bansa na laban sa kanila tulad ng Hamas, Hezbollah, Syria at Iran.

Medyo nag-iba na ang pananaw ng mga ibang bansang Arabo sa pakikitungo sa Israel. Ang mga bansa tulad ng Jordan, Egypt, Saudi Arabia na dating kaaway ng Israel ay tanggap na ang pagkakatatag ng bansang Israel.

Sana naman ay makahanap ng solusyon tungo sa kapayapaan sa Gitnang Silangan.