LALAKI TINAGA, ULONG PUGOT IPINARADA PA

TARLAC-IPINARADA pa ng suspek na sinasabing may sayad ang ulo ng lalaki na kanyang tinagpas bago nadakip ng mga rumespondeng pulis sa Paroba 1 sa Sitio Tibag sa nasabing lalawigan.

Sa ulat, gamit ang itak ay pinagtataga ng suspek ang isang lalaki bago pugutan ng ulo matapos silang mag-away.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya nitong Martes, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng biktima at suspek na nauwi sa batuhan hanggang sa kumuha na umano ng itak ang suspek at pinagtataga ang biktima.

Kinailangan barilin ng mga rumespondeng pulis ang suspek na kinilalang si Rommel Apolinario, 42-anyos para madakip ito dahil tinangka rin niyang tagain ang umaarestong awtoridad.

Nakita ang ulo ng biktimang si Vivencio Colipano, 45-anyos na may ilang metro ang layo mula sa kanyang pugot na katawan.

Sinasabing lulan ng tricycle si Colipano nang dumadaan sa harap ng bahay ng suspek ay bigla siyang sinalakay at pinagtataga saka pinugutan ng ulo.

Kasalukuyang nasa Tarlac Provincial Hospital ang suspek sanhi ng tama ng bala sa hita.

“‘Yun pong suspek natin ay mayroon pong diperensya sa isip. Bago po magtanghali, ay parang nagtalo sila nung kapitbahay niya at nagwawala itong suspek at nataga niya sa leeg itong biktima. Nung nataga niya yung ulo niya, kinuha pa, itinakbo sa kalye kung saan patuloy siyang nagwawala sa gitna ng main road natin,” ayon kay Lt. Col. Jake Manguerra, hepe ng Tarlac City Police.

“Nakuhanan din namin ng information na dati pong gumagamit ng droga itong suspek natin,” ani Manguerra. VERLIN RUIZ