AKLAN – ISANG 59-anyos na lalaki ang nasawi habang tatlo pa ang sugatan makaraang ma-hit-and-run nitong Linggo ng umaga sa Kalibo ng lalawigang ito.
Kinilala ang nasawi na si Robert Maigue na nakatira sa Barangay Caano na nabangga habang nagbibisikleta.
Samantalang, kinilala ang tatlong nasugatan na nakasakay sa motorsiklo na sina Genebert Redo, 48-anyos, Sheila Mae Redo, 20- anyos at Jezabel Francisco, 19- anyos , kapwa nakatira sa Barangay Cawayan sa bayan ng New Washington, Aklan.
Sa ulat ng Kalibo police, pauwi na ang mga biktima nakasakay sa motorsiklo nang mabangga ng isang puting kotse sa Barangay Pook.
Agad na humarurot at mabilis na tumakas ang nasabing sasakyan hanggang sa mabangga naman nito si Maigue na nagbibisikleta sa Barangay Caano na sa lakas ng impact ay tumilapon sa kalsada ang biktima.
Dahilan ito para magmadaling tumakas ang kotse na nag-iwan ng Isang patay at tatlong sugatan.
Dinala sa ospital si Maigue pero hindi na ito umabot ng buhay matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Patuloy naman na ginagamot sa ospital ang mga sugatan at nasa ligtas na kalagayan na.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga pulis, nahuli ang drayber ng kotse na bumangga sa mga biktima.
Nasa kustodiya na ng Kalibo police ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries.