BATANGAS- NAUWI sa malagim na kamatayan ang ginawang pag-ihi ng isang lalaki sa isang madilim na taniman ng mais nang mahulog sa balon na may lalim na 15 talampakan sa Purok 5, Barangay Balakilong, Laurel, sa lalawigang itong nitong Biyernes ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Richard Baluway, may-asawa at residente ng nasabing lugar.
Sinabi ni Major Edgar Sumadsad, Laurel Chief of Police , aksidenteng nahulog ang biktima sa hukay habang ito’y umiihi sa tabi ng isang malalim na balon na iniwan walang anumang takip o karatula para sa kaligtasan ng mga nagdaraan.
Ayon pa kay Sumadsad, maaari rin umanong nahigh- blood si Baluway dahil sa bigla na lang itong natumba na senyales na isang taong may sakit na altapression.
Base sa imbestigasyon ng pulisya , may dinadaluhan umanong pagpupulong si Baluway para sa isang samahan nang magpaalam ito para umihi.
Pero sa halip na magpunta ito sa comfort room ng gusali ay pinili umano ng biktima na sa isang madilim na lugar ng taniman ng mais idaos ang tawag ng kalikasan.
Nagtakbuhan ang mga kasamahan ni Baluway nang marinig nila ang sigaw nito.
Subalit dahil sa lakas ng tama ng ulo ng biktima sa batuhang bahagi ng balon ay agad itong binawian ng buhay at dead on arrival sa Laurel community hospital. ARMAN CAMBE