LALAKING NAMBOSO GAMIT ANG CAMERA ARESTADO

arestado

VALENZUELA CITY – ARESTADO ang isang utility man nang madiskubre ang camera na kanyang inilagay sa loob ng banyo ng mga babae sa lungsod na ito.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9995 “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009” si Ereberto Narito Jr., ng Karuhatan.

Sa imbestigasyon, alas-10 ng umaga, pumasok sa banyo ng kanilang pinagtatrabahuan sa Brgy. Maysan, ng lungsod ang 23-anyos na secretary na itinago sa pangalang si “Lorna” para umihi nang mapansin nito ang light bulb na camera.

Lumabas ang biktima at sinabi sa kanyang katrabaho ang natuklasan kaya’t pinuntahan ang banyo at tinanggal ang bulb saka sinuri sa kanilang opisina kung saan nakumpirma ang naturang bulb ay ope­rated din sa CCTV.

Sinuri ng biktima at saksi ang CCTV footage ng kanilang kompanya at nakita nila ang suspek na pumasok sa banyo ng mga babae noong February 6, 12:37 ng tanghali, na may bitbit na screw driver at napansin nila ang isang malaking bagay sa loob ng kanyang bulsa.

Humingi ng tulong ang biktima sa security guard ng kanilang kompanya na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek at narekober ang isang CCTV light bulb at cellphone ni Narito. EVELYN GARCIA

Comments are closed.