CALOOCAN CITY – SA kulungan ang hantong ng isang construction worker na umano’y nangulila sa kanyang iniwang pamilya sa Bicol, matapos mang-hostage sa isang karinderya sa Caloocan City kagabi.
Ang suspek na nakakulong sa himpilan ng pulisya ay nakilalang si Jimmy Omido, tubong Bicol at nagtungo sa lungsod upang magtrabaho.
Ayon sa ulat, dakong 7:00 ng gabi, bigla na lamang umanong dumating ang suspek sa isang karinderya sa Barangay 172 Camarin ng nasabing lungsod at kumuha ng kutsilyo saka tinutukan at hinabol ang mga taong naroon.
Agad umanong iniakyat ng suspek sa itaas ng karinderya ang hindi pinangalanang babae na anak ng may-ari kung saan ikinulong ito sa loob ng banyo.
Nakahingi ng tulong ang mga residente sa mga awtoridad na nakipag-usap sa suspek, na humiling na makausap nito ang kanyang kapatid na naninirahan sa Novaliches.
Ayon sa suspek, wala naman umano siyang balak saktan ang biktima at idinahilang na-homesick lang siya sa kanyang pamilya.
Kasong serious illegal detention at alarm and scandal ang ilan sa posibleng kasong kaharapin ng suspek. EVELYN GARCIA
Comments are closed.