NAPUTOL ang kanang paa ng isang lalaki na sinasabing nagtangkang magpakamatay matapos tumalon sa train platform ng Light RailTransit Line 1 (LRT) sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa report na nakarating kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, kinilala ang biktima na si Georick John Labrador San Juan ng No. 1049 Central Street, Parada Santa Maria, Bulacan na tumalon sa northbound railway ng Monumento LRT Station sa harap ng paparating na train na may body number 1221 na minamaneho ni Silverio Ayat at patungo ng Balintawak Station dakong alas-4:45 ng madaling araw.
Dahil dito, naputol ang kanang paa ng biktima nang ma-sideswipe ng tren na nagresulta upang magtamo ito ng matinding pinsala.
Ayon kay Caloocan police homicide investigator SSgt. Julius Mabasa, agad isinugod ang biktima ng rumespondeng Caloocan City Rescue Team sa Jose Reyes Memorial and Medical Center subalit, kalaunan ay inilipat din sa Philippine General Hospital (PGH) na kasalukuyang naka-confined sa Intensive Care Unit (ICU).
Ani Sgt. Mabasa, ang operation ng train ng LRT Line 1 mula R. Papa Station hanggang Balintawak Station ay pansamantalang sinuspinde at nagbalik sa normal dakong ala-6:20 ng umaga matapos makuha ni Nurse Joy Villados ng LifeLine 16911 ang naputol na paa ng biktima mula sa rail track.
EVELYN GARCIA