LAMANG NG BBM-SARA UNITEAM NADAGDAGAN AT TUMIBAY, AYON SA PAHAYAG SURVEY

MULI na namang nanguna ang tambalan nila presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at vice-presidential aspirant Davao City Mayor Sara Duterte sa mga napupusuang iboto ng mga Pilipino bilang presidente at bise presidente sa 2022 ayon sa pinakahuling survey ng PUBLiCUS Asia Inc.

Si Marcos Jr. ay nakakuha ng 51.9 porsiyento ng mga boto habang si Inday Sara naman ay nakapagtala ng 54.8 porsiyento.

Dagdag pa ng PUBLiCUS sa kanilang “2021 Pahayag” fourth quarter survey na isinagawa noong Disyembre 6 hanggang 10, kapwa tumaas at mas tumatag ang mga bilang ng BBM-Sara UniTeam kumpara sa third quarter survey nitong taon. Ang nasabing survey ay may 1,500 respondents.

“Over half of respondents tagged Bongbong Marcos as their preferred choice for president. Approximately 55 percent of respondents indicated Sara Duterte as their preferred choice for vice president,” ayon sa ulat ng PUBLiCUS.

Mula sa 49.3 percent noong third quarter tumaas pa ng higit sa dalawang porsyento si Bongbong, na umabot ng 51.9 percent. Kapansin-pansin naman na agad nanguna sa survey si Duterte sa pagka-bise presidente matapos makumpirma ang tambalang BBM-Sara UniTeam.

“Her (Duterte) entry into the vice presidential race broke the three-way tie for first place observed in the third quarter survey,” idinagdag ng PUBLiCUS.

Nasa malayong pangalawang pwesto naman si Leni Robredo na nakakuha lamang ng 20.2 percent na bumaba pa ng halos isang porsyento (21.3 percent) kumpara noong third quarter. Sumunod si Manila Mayor Isko Moreno na mayroong 7.9 percent; Senator Bong Go, 3.9 percent; Sen. Panfilo Lacson, 3.4 percent; Sen. Manny Pacquiao, 2.3 percent; Ernesto Abella, 0.5 percent; Ka Leody de Guzman, 0.2 percent; at retired Gen. Antonio Parlade, 0.2 percent. Aabot naman sa 8.3 porsyento ang undecided.

Malayo ring pangalawa kay Duterte sa karera sa pagkabise-presidente, si Doc Willie Ong na mayroong 11.2 percent; Sen. Vicente Sotto III, 11.0 percent; Sen Francis Pangilinan, 9.7 percent; Rep. Lito Atienza, 1.5 percent; at Walden Bello, 0.7 percent. Mayroon namang 9.5 percent ang nananatiling undecided.

Pinakamalakas pa rin si Bongbong sa Mindanao na nakakuha ng 62 percent; sumunod sa Northern Central Luzon na may 59.1 percent; Visayas, 48.9 percent; Southern Luzon, 43.5 percent; at NCR, 39.7 percent.

Pinakamataas na bilang din ang nakuha ni Duterte sa Mindanao na aabot sa 78.6 percent; Visayas, 58.8 percent; Northern Central Luzon, 52 percent; Southern Luzon 39.9 percent; at NCR 33.9 percent.