LAND CONVERSION PINAPIPIGILAN

NANAWAGAN  si Gabriela Women’s, Partylist Representative Arlene Brosas sa mga magsasaka na suportahan ang matagal ng nakabinbin na panukalang batas ng Makabayan Bloc sa agrarian reform na naglalayong pagbawalan ang “land conversion” na makatutulong sa katiyakan sa pagkain ng bansa, upang gumulong na ito sa Kongreso.

“Hindi siya gumugulong, so kailangan po talaga magkaroon ng clamor, lalong lalo na ang mga magsasaka natin para ito ay pagulungin at i-discuss na.Para nang sa ganon matiyak na hindi nala- land grab, di ba,” ang pahayag ni Brosas sa kanyang panayam sa Pilipino Mirror.

Ang tinutukoy ni Brosas ay ang House Bill 1161 na tinaguriang “Genuine Agrarian Reform Bill” na inihain nila ng Makabayan Bloc sa Kamara noong 2022. Ito ay may titulong “An Act Instituting Genuine Agrarian Reform in the country and creating the mechanism for its implementation and for other purposes”, kung saan kasama niya ang kapwa mambabatas mula sa Makabayan Bloc na sina Act Teachers Partylist Representative France L. Castro at Kabataan Partylist Representative Raoul Danniel A. Manuel bilang may akda nito.Ang kahalintulad na panukalang batas ay una ng naihain ng Anakpawis Partylist noong 2007 pa subalit hindi naisabatas 17 taon na ang nakalilipas.
Ito ay matapos sang ayunan ni Brosas ang pahayag kamakailan ng isang grupo ng consumers na sinisisi ang land conversion sa nagkukulang na umanong mga lupaing pang agrikultura at sakahan na pagtataniman ng mga magsasaka kung kaya nababawasan na ang lokal na produksyon ng mga pagkain at nagdudulot ng pagmahal ng presyo ng mga ito sa merkado.

“The Genuine Agrarian Reform Bill or the Free Land Distribution Bill will foremost achieve social justice for our landless farmers through free land distribution.But more than that, it will reengineer and reorient our agriculture to put it on fundamentally sound footing and make it more responsive to the needs of our people…,” ang nakasaad sa explanatory note ng HB 1161.

Kasabay nito nagpahayag ng mariing pagtutol si Brosas sa land conversion dahil makakaapekto aniya ito sa kabuhayan ng mga magsasaka at suplay ng pagkain ng bansa.

“Ang stand po natin dyan sa pagpapalit lupa, o palit gamit ng lupa, ay no no po tayo dyan.Kung bakit po, kasi agricultural land ang bansa natin.Kita naman yun kapag bumaba ka.Ako umiikot ako sa probinsya e.Alam ko kung ano ang kalagayan ng mga magsasaka natin.Kaya nga repormang agraryo ang pangunahin nilang binibitbit dahil nga sa usapin ng nauubusan na sila ng lupa.Nila land grab, nilalagyan ng highway,nilalagyan ng paliparan, nilalagyan ng kung ano ano,” ang paliwanag ni Brosas.

Makakatulong aniya ang naturang batas sa pagpigil ng walang habas na land conversion sa pamamagitan ng mga probisyon nito na magpapatatag sa seguridad sa suplay ng pagkain ng bansa. Nagpahayag ng pagkadismaya si Brosas na hindi tinatalakay ang naturang panukalang batas sa Kamara.

“Yung agriculture natin kung saan dapat ito ang magtitiyak ng ating food security until the end,yan po yung napapabayaan.Meron po tayong legislation.Meron tayong Agrarian Reform Bill.So hanggang ngayon po, hindi ito inaaksyonan, walang committee hearings.Nakapending sa Congress sa Committee on Agrarian Reform,” ang sabi ni Brosas.

Paliwanag niya simula’t sapul maging sa panahon ng dating Gabriela Partylist Representative Liza Maza, hindi nagbabago ang paninindigan ng Makabayan sa naturang usapin.Ma. Luisa Macabuhay-Garcia