LAND DEV’T SA NEW MANILA INT’L AIRPORT 42% NANG TAPOS

NASA 42 porsyento na ang nailalatag sa land development para sa proyektong New Manila International Airport (NMIA) na itinatayo sa dalampasigan ng Bulakan, Bulacan.

Ito ang inihayag ni Ramon Ang, Pangulo at CEO ng San Miguel Corporation (SMC) na konsesyonaryo ng proyekto na base sa kanilang inspeksiyon kasama si Transportation Secretary Jaime Bautista sa mismong project site na umaabot sa 1,693 ektarya.

Ayon kay Bautista, target matapos ang land development sa taong 2024 at ang konstruksiyon ng mismong paliparan sa taong 2027.

Nabatid na ito na ang pinakamalaking paliparan ng Pilipinas kapag nagsimula na ang operasyon nito na kayang makapag-lulan ng inisyal na 35 milyong mga pasahero sa unang taon nang operasyon.

Posibleng umabot sa 100 milyong mga pasahero kada taon ang inaasahang makakagamit sa terminals ng Manila International Airport.

Sinuri rin ni Bautista ang pagsunod ng konsesyonaryo sa mga umiiral na panuntunan ng batas kaugnay ng pangangalaga sa kalikasan at flood mitigation alinsunod sa isinagawang Environmental and Social Impact Assessment (ESIA).

Nasa P735 bilyon ang inilaang pondo sa proyekto na gagastusan ng San Miguel Aero City Inc. na isang subsidiary ng SMC na pinagkalooban ng konsesyon at prangkisa ng pamahalaan upang mamuhunan, magdisenyo, magtayo at magpatakbo sa NMIA hanggang taong 2070 sa ilalim ng Republic Act 11506.

Ang nasabing paliparang ay sumasailalim sa Built-Operate-Transfer (BOT) na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP) kung saan ipinagkakaloob ng pamahalaan sa isang kuwalipikadong pribadong kompanya ang konsesyon para isakatuparan ang isang proyektong pang-imprastraktura.

At sa pagtatapos ng konsesyon ng San Miguel Aero City Inc. sa taong 2070, ililipat na sa pamahalaan ang karapatan nito sa pag-aari at operasyon ng mga pasilidad. THONY ARCENAL