PINANGUNAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng land titles sa Boracaynon at Aklanon beneficiaries noong Huwebes.
Ang 623 Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na sumasakop sa 274.0352 ektaryang lupain sa ilalim ng agrarian reform ay ipinamahagi sa 484 agrarian reform beneficiaries.
Anim na CLOAs ang ipinamigay sa 45 family beneficiaries sa Boracay, kabilang ang 44 pamilya mula sa Boracay Ati Tribal Organization (BATO).
Ayon kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones, napili ang mga katutubong Ati na maging benepisyaryo ng mga lupain ng pamahalaan dahil sila ang mga unang nanirahan sa isla.
Ang 3.2 ektaryang lupain na ipinamahagi sa Ati beneficiaries ay matatagpuan sa Barangay Manocmanoc.
Bukod sa mga benepisyaryo sa Boracay, 33 CLOAs para sa 30.2704 ektaryang lupain sa Barangays Kalubihan at Nabaoy sa mainland Malay ang ipamamahagi rin sa 28 pamilya.
May kabuuang 534 CLOAs para sa 183.7194 ektaryang lupain ang ipinamigay rin sa 484 benepisyaryo mula sa Barangay Tagas, Tangalan.
Nasa 50 land titles para sa 56.3245 ektaryang lupain ang ipamimigay rin sa 50 benepisyaryo sa apat na barangays sa bayan ng Buruanga.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte, muli nitong sinabi na maaaring ibenta ng mga benepisyaryo ang kanilang lupa sa mga negosyante oras na matapos na ang 10 taon na prohibition period.
Pero sa ngayon, aniya, ay dapat pagyamanin at alagaan muna ng mga ito ang kanilang mga natanggap na lupain.