APRUBADO kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang merger ng LandBank at Development Bank of the Philippines (DBP) kasunod ng mga kaganapan sa international banking sector, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sa kanilang pagsasanib, ang dalawang state-run lenders ay magiging pinakamalaking bangko sa bansa.
“That’s really the best practice. The biggest bank is usually owned by the state, globally,” sabi ni Diokno sa Palace briefing nitong Martes.
“There’s a strong need to solidify the government bank. We’re not saying that DBP or Landbank has problems… but as policymakers, we need to seek better ways of doing things, especially if we want to improve the performance of particular government agencies,” dagdag pa ni Diokno.
Bukod sa pagiging malakas ng pinagsanib na bangko, tiniyak ni Diokno na makatitipid ang pamahalaan ng hindi bababa sa 20 billion sa unang apat na taon ng operasyon nito.
Ang pagtaya ay “understated” dahil hindi kasama rito ang revenues sa pagbebenta ng redundant assets ng DBP.
Ayon kay Diokno, sa 147 sangay ng DBP, 22 lamang ang maaaring ma-retain dahil sa merger. Samantala. ang Landbank ay may 752 sangay sa buong bansa.
“The plan is that Landbank will have a branch in all LGUs in the Philippines. It could be a combination of light branches or big branches, ATMs, etc.,” aniya.
Nang tanungin kung posibleng magkaroon ng layoffs, sinabi ni Diokno na posible ito dahil sa redundancy.
Dahil ang dalawang state-run banks ay may kanya-kanyang charters na nilikha ng magkahiwalay na batas, ang merger ay maaaring mangailangan ng bagong batas na ipapasa ng Kongreso at lalagdaan ng Pangulo.