HABANG tinatahak ni Typhoon Paeng ang West Philippine Sea palabas ng area of responsibility ng Pilipinas ay pinangangambahang aakyat sa mahigit 100 ang bilang ng nasawi at nawawala bunsod ng pananalasa ng bagyo sa 46 lalawigan ng bansa.
Sa inilabas na situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga ay nasa 48 na ang kanilang death toll bunsod ng paghagupit ni Paeng.
Habang nasa 40 katao naman ang naitalang nasaktan ay may 22 naman ang nawawala base sa datos ng NDRRMC Linggo ng umaga.
Sinasabing sa Bangsamoro region, nag-iwan ng 40 patay at sampung nawawala sa bagyo salungat sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Maguindanao na may 53 dead at 22 missing.
Sa isang pulong balitaan ay inihayag ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod E. Ebrahim noong Sabado na mahigit 100 na umano ang nasawi sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa kanyang huling update, inihayag ni Ebrahim na 40 ang naitalang namatay sa Maguindanao, hindi pa kabilang dito ang Brgy. Kusion na siyang hardest hit at may anim na ektaryang bahayan ang tinabunan ng landslide bukod pa sa casualties mula Datu Odin Sinsuat.
Sinasabing may naitala ng 61 na namatay sa Brgy. Kusion at may mga bangkay pa umano ang hindi pa narerekober na tinatayang nasa 80 hanggang 100.
“The latest figure is 61 dead… and more than to be around 80 to 100 ang hindi pa narekober,” pahayag pa ni Ebrahim.
Samantala, nasa 115,437 naman ang naapektuhang pamilya o katumbas ng nasa 572,185 na mga apektadong indibidwal.
Nagpapatuloy din ang clearing operation ng Ministry of Public Works sa mga kalsada sa Maguindanao upang mapadali ang pagpasok ng mga rescue vehicles at tulong sa mga apektadong residente.
Pahirapan din ang paghahatid ng tulong sa maraming lugar sa Maguindanao dahil sa mga nakahambalang na mga punungkahoy, landslide sa ilang kalsada, naputol din ang tulay sa Tapian, Datu Odin Sinsuat, Nituan Bridge sa Parang, Maguindanao nasira at isinara na rin ang Simuay Bridge at Sarakan Steel Bridge sa Bugasan Norte, Matanog, Maguindanao.
May apat na tulay sa lalawigan ang hindi naman madaanan matapos masira at pag-overflow ng mga ilog.
Sinimulan na ng local government unit ang pag-repack at pamimigay ng ayuda sa mga taong nasa evacuation centers.
Tinatayang nasa 932,077 katao naman o 277,383 families ang naapektuhan ng bagyo sa mula sa 46 provinces sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Nasa 364,000 katao ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa may 2,125 evacuation centers nationwide.
Habang nasa 700 bahay ang nasira , 159 dito ay gibanggiba na at hindi na maaaring tirhan.
Umaabot na 40,319 individuals ang puwersahang inilikas sa 10 regions: Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Cagayan Valley, Bicol Region, Western, Central, and Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region.
Sa inisyal na damage sa Agrikultura ay inilagay sa P54.9 million, kung saan nasa 533 magsasaka at 39 hectares ng pananim ang apektado.
Nasa limampu’t limang bayan at siyudad ang inilagay sa ilalim ng state of calamity sa dalawang lalawigan pa lamang. VERLIN RUIZ