SINIGURADO ng mga Kapampangan na ipapanalo nila ng landslide ang tambalan nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running mate niya na si Mayor Inday Sara Duterte, matapos dagsain ng daang-libong supporter ang UniTeam grand rally sa Pampanga nitong Biyernes ng gabi.
Hindi mahulugang-karayom dahil sa dami ng tao ang malawak na lupain sa likod ng Robinson Starmills, San Fernando City, Pampanga.
Ilan sa mga supporters ay naglakad pa galing sa malalayong bahagi ng probinsya para mapakinggan at makita sina BBM at Sara.
Dumalo din sa programa sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Gov. Delta Pineda at Vice Gov. Nanay Baby Pineda, kasama ang apat na congressmen at dalawampung alkalde ng lalawigan.
Pagharap nina BBM at Sara sa mga Kapampangan ay agad na hiyawan at sigawan ang sumalubong sa kanila.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Inday Sara na naniniwala siya sa pangako ng mga Kapampangan na siguradong panalo na sila.
“Kapag sinabi ng Kapampangan na panalo na ang bisaya, malakas ang loob ko na panalo na ako,” ayon sa alkade ng Davao City.
Ipinakilala naman ni GMA si Marcos sa mga Kapampangan bilang susunod na pangulo ng Pilipinas.
Hinikayat naman ni BBM ang lahat na patuloy na magkaisa at bantayan mabuti ang mangyayaring halalan.
“Magkakatotoo yan(ang panalo) basta’t walang iwanan, walang iwanan dahil tayo ay nagkaisa na,” sabi ng pambato ng PFP.
“Totoo rin yan dapat siguro walang tulog dahil alam naman natin ang daming nangyayari habang tayo ay natutulog,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi ng mga Kapampangan na gusto nilang sa Edsa ganapin ang victory party ng UniTeam.