PATUNGO na sa landslide victory ang mga Cayetano sa lungsod ng Taguig matapos na maglabas ng panibagong survey ang Pulse Asia kung saan malaki ang lamang na boto nina Lino, Lani at Alan Peter kontra sa kani-kanilang katunggali.
Ayon sa survey ng Pulse Asia na inilabas ilang araw bago ang halalan, 64 percent ng mga Taguigeño ang nais na maluklok si dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa 1st District ng Taguig-Pateros, kumpara sa 36 percent na nakuha ng kalabang si Allan Cerafica.
Noon ay naupo na si Alan Peter Cayetano sa House of Representatives bilang kinatawan ng dating nag-iisang distrito ng Taguig-Pateros. Noong 2007 at 2013, naupo naman siya bilang senador. Noong 2017, nahirang ni Presidente Rodrigo Duterte si Alan Peter bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs.
Sa 2nd District, ang nakaupong mayor ng Taguig City na si Lani Cayetano ay nanguna sa kanyang 76 percent kontra sa kalabang si dating konsehal Che Che Gonzales na may 21 percent.
Si Lani Cayetano ay nanalo noong 2010 sa pagka-alkalde sa kalabang si Dante Tiñga, ama ng dating mayor na si Sigfrido “Freddie” Tiñga. Si Lani ay nanalong muli noong 2013, sa kalabang si Rica Tiñga, anak naman ni Dante Tiñga.
Tatlong taon ang nakalipas ay naupo muli si Lani Cayetano matapos manalo sa halalan ng walang kalaban.
Samantala, si dating Taguig Congressman Lino Cayetano naman ay lumabas na napakalayo rin ang lamang sa kalaban nitong si Taguig-Pateros 1st District Congressman Arnel Cerafica, para sa karera ng pagka-mayor ng Taguig.
Si Lino Cayetano ay nakakuha ng 65 percent na boto habang 33 percent naman ang nakuha ni Arnel Cerafica.
Si Lino Cayetano ay sanay na sa public service matapos magsilbi bilang congressman sa 2nd District ng Taguig mula 2013 hanggang 2016.
Si Taguig City Vice Mayor Ricardo “Ading” Cruz Jr., na lumalaban para sa kanyang huling termino bilang vice mayor, pati na rin ang buong miyembro ng Team Lino Cayetano councilors sa District 1 at 2 ay inaasahan din na makakahakot ng malaking lamang kontra sa mga kalaban, ayon sa bagong Pulse Asia survey.
Sa isang statement, malaki ang pasasalamat ng mga Cayetano sa patuloy na pagtitiwala ng mga tao sa Taguig at Pateros sa kanilang public service sa lungsod.
“We are beyond words,” wika pa nila.
Dagdag pa ng mga Cayetano na sa bagong resulta ng survey ay lalo silang inspirado na magbigay at mag-isip pa ng mga bagong programa sa ikauunlad ng mga taga-Taguig at ng buong siyudad.
“Because the people of Taguig and Pateros deserve no less than high-quality brand of public service,” dagdag pa nila.
Comments are closed.