NANINIWALA ang isang Catholic prelate na hindi dapat na ipagwalangbahala ng mga mamamayan ang naganap na mga landslide sa ilang bahagi ng bansa kamakailan, na nagresulta sa pagkasayang ng maraming buhay.
Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, dapat na muling suriin ang mga hatid na negatibong epekto sa kalikasan at sa pamayanan ng ‘development’ o kaunlaran.
Alam na ng mga tao ang panganib na dala ng mga bagyo at malalakas na pag-ulan subalit dapat din na muling masusing siyasatin ang naidudulot ng malawak na pagpuputol ng mga puno, quarrying at mining na sinasabing nagdadala ng pag-unlad sa bansa.
“We are aware of, you know, the effects of typhoon, pero on the other hand we are also aware of the danger caused by, of course all of these landslide due to quarrying and logging and therefore it’s an opportunity for us to reexamine the consequences of the so called “development” also caused by mining or quarrying for that matter,” paliwanag pa ni Palma, dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Kaugnay nito, binisita kahapon ni Palma ang mga residenteng naapektuhan ng matinding landslide sa Naga City, Cebu, na ikinasawi ng maraming buhay at ikinasugat naman ng iba pa.
Ayon kay Palma, personal siyang nagpaabot ng pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi sa trahedya at nagbigay ng payo at panalangin upang patatagin ang kanilang kalooban.
Inalam din naman ng arsobispo ang mga pangangailangan ng mga biktima upang makapagkaloob ng karampatang tulong sa mga ito.
Bukod sa Naga City, Cebu, nagkaroon din ng landslides sa Itogon, Benguet, na ikinasawi rin ng maraming buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.