QUEZON- LIMA katao ang natagpuang patay sa nangyaring landslide sa bundok dulot ng sunod-sunod na pag-ulan sa Sitio Angelo, Barangay Umiray, General Nakar sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na datos na ipinarating sa tanggapan ni Mayor Eliseo “Esee”Rusol , alkalde ng Gen Nakar, naganap ang insidente dakong alas- 4:30 ng madaling araw kung saan lima na ang kumpirmadong nasawi sa dulong bahagi ng nasabing bayan.
Kinilala ang apat sa biktima na sina Ramel M. Binalao, Sherly Delos Angeles, Jonathan Delos Angeles, Dionely Datario at ang pang lima ay hindi pa matukoy ang pagkakilanlan nito.
Nadala na sa munisipyo ng bayan ng Gen Nakar ang mga bangkay ng mga biktima gamit umano ang chopper na Black Hawk ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army.
Nahirapan umano ang mga rescuer dahil sa napakahirap pasukin ang pinangyarihan ng insidente subalit patuloy pa rin ang paghuhukay sa naturang lugar at katulong na rin ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (QPDRRMO).
Nagpahatid agad ng tulong ang Provincial Government ng Quezon mula sa tanggapan ni Governor Doktora Helen Tan para sa kabaon at lamay sa mga pamilyang naulila.
Gayundin ang foodpacks naman para sa apektadong mga pamilya sa Sitio Angelo, Brgy. Umiray, Gen Nakar, Quezon.
Sa kasalukuyan, wala pang ulat na naitatala ang lokal na pamahalaan ng General Nakar kung mayroong indibidwal na nawawala habang patuloy pa ang isinasagawang rescue operation.
BONG RIVERA