ISANG bagong pambansang kompetisyon para sa mga batang swimmer na may edad 6 hanggang 17 ang ilulunsad sa susunod na buwan sa pakikipagtulungan ng 10 Local Government Units mula sa mga pangunahing lungsod ng Maynila, Visayas at Mindanao.
Tinaguriang ‘Langoy Pilipinas’, ang program na binuo ni swimming coach at event organizer Darren Evangelista ay hindi lamang nakatuon sa school-based teams at swimming clubs kundi pati na rin sa mga batang kapuspalad at out-of-school youth.
“Bukas ang tournament sa lahat ng Filipino young swimmers, anuman ang kanilang mga kinabibilangan at relihiyon. Lahat ay malugod na tinatanggap. We’re currently in close coordination with partnered LGUs so we can identify those less fortunate swimmers in their respective community to join the event,” sabi ni Evangelista, pinuno ng organizing GoldenEast Ads Promo and Events.
Iginiit ni Evangelista, dating miyembro ng Mapua Cardinals na nagwagi ng NCAA title noong 90s, at 5-time NCAA champion coach sa swimming, na ang layunin ng kompetisyon ay nakabatay sa anim na mahahalagang adhikain: palakasin ang grassroots development, patatagin ang turismo sa pamamagitan ng sports, lumikha ng trabaho sa komunidad, palaganapin ang pagkakaisa at sportsmanship, at pagbubuklod ng pamilya.
Kasama sa programa bilang kasangga ang pamunuan ng lungsod ng Maynila, Tarlac, Cavite, Laguna sa Luzon, Bohol, Roxas at Bacolod sa Visayas at Saranggani at Vagayan sa Mindanao.
Idinagdag ni Evangelista na ang torneo ay sa pakikipagtulungan din ng Swimming League Philippines (SLP), Philippine Swimming League (PSL) at Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA).
“Para sa kaganapan sa Maynila, ang paghahanda ay patuloy na isinasagawa sa pakikipagtulungan ng opisina ni Manila Mayor Honey Lacuna gayundin ng Manila Sports Council (MASCO),” ani Evangelista.
Idinagdag niya na ang lahat ay nakatakda para sa Sarangani event na pansamantalang itinakda sa Pebrero 24 dahil ibinigay na ni Gov. Rogelio ‘Ruel’ Pacquiao ang kanyang buong suporta sa isang mahabang pulong sa mga organizer sa Kapitolyo ng Sarangani kamakailan.
“Ok na tayo sa Manila, tentatively on Feb. 18 at the Rizal Memorial swiiming pool, gayundin sa Sarangani. ‘Yung ibang venue natin, ongoing pa ang mga meeting with the local officials and partner stakeholders,” dagdag ni Evangelista.
EDWIN ROLLON