LANSAGIN ANG MGA CYBER CRIMINAL

SA kabila ng mas pinaigting na kampanya ng mga kinauukulan laban sa cyber crimes, aktibo pa rin daw ang mga kriminal lalo na ngayong nauso ang digital banking.

Naging popular pa ito nang manalasa ang pandemya mula noong 2020.

May mga insidente pa rin daw ng pagnanakaw mula sa GCash at iba pang e-wallets.

Gumagamit ng text messages o SMS, email at iba pang paraan ang mga salarin para makapanloko at makakuha ng pera mula sa mga biktima.

Ang ilang kaso raw ng cybercrime at online child abuse ay underreported o hindi lahat naire-report.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng International Criminal Police Organization (Interpol), ang global cost daw dito ay tinatayang papalo na sa $10.5 trilyon sa 2025.

Sa ginanap na 90th General Assembly sa New Delhi, India, isiniwalat ni Interpol Secretary-General Jurgen Stock na ang mga organisadong crime network ay kumikita rito ng bilyun-bilyong dolyar.

Nakababahala aniya na isang porsiyento lamang sa mga iligal na aktibidades na ito ang nahuhuli o natutunugan at nababawi.

Kaya bumuo raw ang Interpol ng pandaigdigang stop-payment mechanism.

Anti-Money Laundering Rapid Response Protocol ang tawag nila rito na sa nakalipas na sampung buwan daw ay nakatulong sa mga miyembro nila sa pagrekober ng nasa mahigit $60 milyong criminal proceeds mula sa cyber-enabled fraud.

Sa Global Crime Trend Report ng organisasyon, nakitaan ng matinding pagtaas ang mga kaso ng child sexual exploitation at pang-aabuso ng mga bata online.

Natuklasan na maraming biktima raw ang mas pinipiling manahimik na lang.

Natatakot daw ang mga ito dahil sa kahihiyan na maaari nilang maranasan sakaling mabunyag ang nangyari sa kanila.

Kada taon ay nagtitipon ang Interpol na mayroong 195 members.

Kabilang sa mga kasapi nila ang ilang ministers, police chiefs, hepe ng national central bureaus at senior police officers.

Sadyang nakababahala ang ibinunyag ng Interpol.

Malinaw na sumasabay na rin sa modernisasyon ang mga cyber criminal.

Umiiral na naman sa Pilipinas ang Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act na pinagtibay na rin ng Korte Suprema.

Makatutulong daw ito sa law enforcement operations laban sa mga krimen na ginagawa sa pamamagitan ng internet tulad ng child pornography, human trafficking, terorismo, illegal gambling, credit card fraud, investment scams at identity theft.

Napapanahon din ang pagkakapasa sa Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act na pinaniniwalaang makasusugpo sa iba’t ibang krimen na nagagawa gamit ang mobile phones.

Kahit may mga batas nang umiiral sa bansa, dapat pa rin tayong mag-ingat.

Huwag ibibigay ang account details, user IDs, passwords at personal identification numbers sa sinuman sa pamamagitan ng email, SMS at iba pang platforms.

Aba’y mag-ingat at mas maiging balewalain na lamang ang mga ito.

Burahin agad ang mga natatanggap na kahina-hinalang mensahe.

Dapat pang bagsikan ang batas laban sa online o cyber criminals.

Sa palagay ko, malilipol lamang ang mga ito sa pamamagitan nang paghihigpit sa pagpasok ng mga dayuhan at pagpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga sangkot dito.