ILOCOS NORTE- PANSAMANTALANG ipinasara ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Laoag airport matapos masira ang ilang pasilidad bunsod sa magnitude 6.4 na lindol sa Abra bandang alas- 10:59 kamakalawa ng gabi.
Batay sa report ni Area Manager Ronald Estabillo ng Laoag Airport, naapektuhan o nagkaroon ng damages ang ilang building structures at ang runway ng naturang airport.
Kasabay nito, nag-isyu ng Notice to Airmen (NOTAM) ang CAAP na sarado mula kahapon hanggang ngayong araw ang paliparan para sa isasagawang rehabilitasyon sa mga apektadong parte ng airport.
Dahil sa malakas na lindol ay ipinakansela ang dalawang Manila-Laoag flight ng Philippine Airlines (PAL).
Samantala, iniulat ng CAAP na ang mga airport sa Northern Luzon na kinabibilangan ng Vigan, Lingayen, Baguio, Rosales, San Fernando, Tuguegarao, Cauayan, Palanan, Bagabag, Basco at Itbayat ay hindi naapektuhan ng lindol. FROILAN MORALLOS