KAILAN ka huling nakipag-usap sa iyong kaibigan na hindi ka sumaglit ng sulyap sa iyong gadget? Iyong nag-uusap kayo ng hindi hati ang isip mo o wala kang iniisip na kung ano-ano. Marami sa atin ngayon ay tila alipin na ng ating mga gadget.
Minsan makakakita ka sa mall ng grupo ng mga kabataang nakaupong magkakaharap sa isang kainan pero lahat ay nakayuko, nakatingin sa gadget. O kaya naman ay may makakasalubong kang magkaibigan na nag-uusap ngunit parehong may nakapasak na earphones sa tainga.
Napakaikli ng attention span ng mga tao ngayon. Tila lahat ay gusto marinig, ngunit wala namang gustong makinig. Dapat mayroong balanse ang pagsasalita at pakikinig.
Laos na nga ba ang pagkakaroon ng makabuluhang usapan? Maisasalba pa natin ang mga mumunti ngunit masasabi nating makabuluhang usapan. Ang dapat nating maintindihan na ang pakikipag-usap ay isa ring uri ng skill na dapat nating matutunan. Isa ito sa mga pinakamahalagang skill na dapat taglayin ng isang tao na kung minsan ay nakaliligtaang pahalagahan.
Marami na tayong narinig na mga advice kung paano ang tamang pakikinig o pakikipag-usap. Maaaring narinig niyo na ang ilan tulad na lang ng payong tingnan sa mata ang kausap, tumango bilang pagsang-ayon nang maipakitang tunay kang nakikinig sa kausap, o kaya naman ay ulitin kung ano ang sinabi ng iyong kausap.
Kalimutan mo ang lahat ng ito, dahil ni isa sa mga nabanggit ay hindi makatutulong.
Narito ang limang gawi na dapat paghusayin upang magkaroon ng mas makabuluhang usapan:
HUWAG MAG-MULTITASK
Hindi lang ibig sabihin nito ay ibaba ang iyong gadget at huwag i-check ang mga notification o mensahe. Isang halimbawa rin ng multitasking ay ang pag-iisip nang kung anong uulamin mo pagkauwi sa bahay.
I-pokus ang iyong sarili sa inyong sitwasyon o usapan. Maging ‘present’ ka sa oras ng inyong pag-uusap.
NO, NO, NO, SA PAGIGING OPINYONANDO
Hindi naman masamang maging opinyonado ngunit ilagay ito sa tamang lugar. Kung ika’y lumabas kasama ang iyong kasintahan at nag-uusap kayo ng masinsinan tungkol sa inyong relasyon ngunit gustong-gusto mong ilabas lahat ng nasa isip mo tungkol sa relihiyon, o kaya naman politika. Pag-isipan muna itong mabuti bago gawin. Baka nasa maling pagkakataon ka para pag-usapan ang mga ganoong bagay.
At tandaan na sa tunay na pakikinig, dapat matutunan nating iisantabi muna ang ating sarili nang sa ganon ay mas maging bukas na makinig sa kausap.
GUMAMIT NG OPEN ENDED QUESTIONS SA PAGTATANONG
Karaniwang tanong ay isinasagot lamang ng oo o hindi. Tulad ng ‘Natakot ka ba?’ O kaya naman, ‘Masakit ba ang iwanan?’ At ang masusumpungan mong sagot ay nasa pagitan lang ng oo at hindi.
Mainam na itanong na: ‘Anong pakiramdam nang sandaling iyon?’ O kaya naman: Paano iyon nakaapekto sa ‘yo? Sa ganitong paraan, makakapag-isip sila at makapagbubukas ng maayos sa iyo.
HUWAG IHALINTULAD ANG IYONG KARANASAN SA KAUSAP
Pagkakamali sa isang usapan ang pagbibigay sa sarili ng spotlight. Ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang karanasan. Halimbawa, habang nag-uusap ay naibahagi ng iyong kasama ang sandaling namatayan siya ng magulang, huwag at iwasan mo ring ibahagi ang oras na may yumao ka ring kamag-anak.
Hindi kayo magkapareho sa mga karanasan. At tandaang muli, hindi ito tungkol palagi sa iyo. Hindi ito oras para sa ‘yo upang ipagmalaki mo ang iyong sarili. Kaya ka kasama ng iyong kausap ay upang magkaroong ng makabuluhang usapan at hindi ibenta ang iyong sarili.
MATUTONG MAKINIG
Ang pakikinig ay isang importanteng skill na dapat matutunan ng bawat isa. Bakit kaya hirap ang bawat isa na makinig? Maaring dahil mas gusto natin ang magsalita dahil kung tayo ang nasasalita hindi natin kailangan makinig o pakinggang ang ayaw nating marinig. Kontrolado natin ang sitwasyon at nasa atin ang atensiyon.
Ayon kay Stephen Covey, isang awtor “Most of us don’t listen with the intent to understand, we listen with the intent to reply.” Sa madaling salita, sa pakikinig madalas ang intensiyon natin ay basta na lang sumagot at hindi ang subukang umintindi.
Hindi pa huli ang lahat para sa atin upang matutunan at mahalin muli ang pagkakaroon ng makabuluhang pag-uusap. Kung saan ang bawat isa ay nakikinig at ang intensiyon ay magkaunawaaan.
Sa mundong alipin ng gadgets, nawa’y manaig pa rin ang pagiging tao ng bawat isa. Tao na may pang-unawa at kayang isantabi ang pansariling kagustuhan upang makinig ng taos sa puso. MARY ROSE AGAPITO