LAPIT ANG PAA

SABONG NGAYON

SA PAGPILI ng materyales, para kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp, pinakamahirap piliin ang inahin sapagkat walang sparring o hindi naibibitaw.

“Station ang palagi mong babantayan kaya tandang man o inahin,  importante ang pinalalakad kaya nga sa tao kapag mga beauty contest ay palaging pinalalakad ang contestant para kilatisin,” sabi ni Doc Marvin.

Aniya, ang onse ang tindig at maluwang ang silong ay napakahalaga maging tandang man o inahin dahil tiyak maganda ang kating.

“Kapag manipis ang paa parang lapis na Mongol ay subok na subok ko na ito ay inihahampas niya sa kanyang kalaban, ang manok po kapag po pumalo ay palaging todo kasi wala silang control kaya kapag nag-sparring, kapag nakita mo na ang standard ng palo na iyong hinahanap ay awatin na agad kasi sila po ay magkakabalian,” ani Doc Marvin.

Sinabi pa niya na ang pagkain at pagpapalaki sa mga manok natin ay malaking factor din pero depende pa rin, aniya, sa linyada kung quality ang linyada lapis ang paa.

“Kung nanalo na po kung anuman ang hitsura ng paa ay ituloy na lang kasi doon ka nanalo kasi sa huli naman ang palaging usapan ay kung na­nalo ang iyong manok,” dagdag pa niya.

“Para mabilis ang pagpili ay isipin mo na ikaw ang ganador. Madaling humanap ng super galing na manok pero hinding-hindi ka makakakita ng siguradong mananalo.”

Sa pagpapalahi naman, importanteng malaman din natin na talagang ready for breeding na ang ating mga napi­ling broodstocks bago isalang sa breeding pen.

“Para po sa akin ito ang isa sa paraan para malaman kung ang isang inahin o pullet ay ready na magpakasta ay kung siya ay lalapit sa tandang para maki­paglandian, kunwari ay aayaw-ayaw, tatakbo-takbo o kaya ay nagre­respond siya sa tawag ng tandang sa pamamagitan ng pagkakak,” ani Doc Marvin.

“Kung ipapasok po sa breeding pen/kulu­ngan ay palagi pong mauuna ang inahin bago ang tandang para maiwasan ang disgrasya. Kasi kalimitan ay sinasalubong ng palo ng tandang ang inahin. Para maganda ang fertility at siguradong may semilya ng itlog ang magkapares ay broodstag para sa inahin at broodcock sa pullet o dumalaga,” dagdag pa niya.

Comments are closed.