‘LARGEST NUT BRITTLE’ TARGET SA GUINNESS

Tatangkain ng lalawigan ng Sorsogon sa Bicol na makuha ang bagong titulo bilang ‘Largest Nut Brittle/Praline’ sa Guinness Book of World Record gamit ang buto ng pili.

Dahil dito, nagsagawa ng pagpupulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Edwin Hamor na iprinsenta ni Bobby Gigantone ng Provincial Tourism, Culture and Arts Office at Jerome Dio ng Museo Sorsogon.

Kasama sa pagpupulong si City Mayor Ester Hamor at ang mga Department Heads ng Pamahalaang Lungsod upang planuhin at plantsahin ang mga dapat gawin upang masungkit ang nasabing world record.

Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2016, Sorsogon ang nangungunang producer ng Pili nut raw materials na may 63.32% (3,978.61 metric tons) na bahagi ng produksyon ng Bicol Region. Katumbas ito ng 54.54% na bahagi ng pambansang produksyon ng Pili nut.

Nabatid na ang alkalde ang nakaisip nito upang i-highlight ang kahalagahan ng Pili nut sa ekonomiya, kultura at pagkakakilanlan ng Sorsogon.

Layunin ng Pamahalaang Lungsod na ipakilala ang Pili nut sa internasyonal na plataporma at merkado na magbibigay- daan upang opisyal na ideklara ang Sorsogon bilang Pili Capital of the Philippines.
RUBEN FUENTES