(Lasing na corporal namaril ng 2 opisyal) 3 SUNDALO NAGBARILAN SA LOOB NG KAMPO

sundalo

SULU – TATLONG sundalo ang nasawi matapos magbarilan sa loob ng headquarters ng 9th field Artillery Battalion, Army Artillery Regiment sa Brgy. Liang,  Patikul noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga namatay na sundalo na sina Major Rael Gabot, EX O, 1Lt Ryan Lamoste, Civil Military Operation Officer Commander, at Corporal Jack Indap.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas, alas -11:00 ng gabi nang mangyari ang barilan ng mga sundalo sa loob ng kampo.

Bago ang barilan ay kinompronta ni  La­moste si Indap matapos na makita nitong sinasaktan ang isang sundalo na si Private Ralph Patongao na naka-duty sa unit officer mess hall.

Tinanong umano ni Lamoste si Indap kung nakainom ito at inamin naman ng huli kaya nagdesisyon  ang CMO Commander na sibakin ang corporal dahilan para magsigawan ang dalawa.

Dito na dumating si  Gabot para sila awatin subalit agad na ikinasa at ipinutok ni Indap ang kanyang baril sa dalawang military officers.

Nang makita ito ni 2Lt Clint John Cenita ay binaril naman si Indap.

Agad na isinugod sa Camp Bautista Station Hospital ang mga nabaril na sundalo subalit idineklarang dead on arrival.

Sa ngayon naipaalam na sa pamilya ng mga namatay ang sinapit ng kanilang kaanak.

Ikinalungkot naman ng AFP Joint Task Force Sulu ang nangyari habang tiniyak sa pamilya ng mga nasawi na patuloy ang imbestigayson sa insidente. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ

Comments are closed.