NAGING maalwan ang pila sa huling araw ng pagsusumite ng Annual Income Tax Return (AITR) para sa taong 2023 sa BIR Revenue Region 8B- South NCR, kahapon, April 15.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na personal na nag-inspect sa para sa mga manual tax payer na nagtungo sa nasabing sangay, ang maalwan at walang pila ay hindi ibig sabihin ay walang nais tumalima o humabol sa deadline kundi posibleng sa online nagsumite ang mga tax payer.
Ayon sa BIR chief, ang kawalang pila ay magandang epekto ng ipinatutupad na digitalization o online transaction na dati nang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na yakapin ang digitalization para sa mabilis na transaksyon.
Ibig sabihin nito, hindi na kinakailangang pumunta pa sa mga tanggapan ng BIR para magkapag-file dahil maari na itong gawin sa pamamagitan ng online at online na rin ang pagbabayad.
Hangga’t maaari aniya ang pinapayagan na lang na pumunta sa kanilang mga tanggapan ay mga senior citizen, person with disabilities at mga taxpayer na gusto ay may tatak ang kanilang mga papeles.
Dagdag pa ni Lumagui na maging sa ibang sangay ng BIR ay halos mabibilang lamang ang personal na nag-file ng AITR.
“Galing kami sa Makati, wala ring gaanong tao that is good for us nakikita natin na feedback taxpayers kanilang feedback mas napadali mas napagaan ang pagbabayad ng buwis ngayong taon na ito, ‘yan ang nakukuha natin na feedback, we are very happy,” ani Lumagui.
Samantala, hanggang kahapon ng tanghali, ay 5 percent na lamang ng kabuuang tax payer ang hinihintay ng BIR na magpasa ng ITR at ito ay may kabuuang 200,000 taxpayers.
Hanggang alas-12:00 midnight kagabi lamang hihintayin ang mga tax payer at kapag nabigo ay may multa na dagdag na 25% sa kanilang kabuuang babayarang buwis.
EUNICE CELARIO