MAGANDANG balita para sa mga pamilyang nakatira sa mga liblib na barangay ng bansa na malayo sa mga kabayanan.
Pumasa na sa ‘Committee on Basic Education and Culture’ ng Kamara nitong Miyerkoles ang panukalang batas na “Last Mile Public Schools” (HB 650) na naglalayong magtatag ng maayos na pampamahalaang mga paaralan at kalsada sa liblib at mahihirap na mga pook o barangay na malimit ay nasa gitna rin ng mga naglalabanang mga puwersa.
Binalangkas at inakda ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na siya ring ‘House Ways and Means Committee chairman,’ layunin ng HB 650 ang maging direksiyon at gabay ng ‘education system’ ng bansa sa susunod na mga taon, upang magsilbing tulay tungo sa pagsulong ng buhay na mahihirap na pamilya at buwagin ang mga hadlang sa pag-aaral at pagtamo ng karunungan ng mga kabataang mag-aaral sa mga liblib na lugar.
Madiing sinasabi ng HB 650 na kung ito ay maisasabatas, “hindi na kailanman tawirin ng mga batang mag-aaral ang mapanganib na rumagasang agos ng mga ilog at lakbayin mahahabang baku-bakong mga daan, bago sila makarating sa kanilang paaralan.”
Binibigyan diin din nito na obligasyon ng pamahalaan at bansa na protektahan at isulong ang karapatan ng lahat na mamamayan sa may mataas na uri ng edukasyon sa lahat ng antas, at gawin ang mga angkop na hakbang upang maging abot-kamay sa kanila ang naturang uri ng edukasyon.
Ayon kay Salceda, kailangang magka-ugnay at magkasamang balangkasin at isakatuparan ng ‘Department of Public Works and Highways’ (DPWH) at ‘Department of Education’ (DepEd) ang mga impraestrukturang magsisilbi sa mga mag-aaral sa mga ‘Geographically Isolated Disadvantaged Conflict-Affected Schools (GIDCAS), Last Mile Public Schools, and Access Roads to all Learners (ARAL)’ na mandato ng panukala kung ito ay maisasabatas.
Pinuna ni Salceda na hindi nauunawaan ng lahat ang koneksyon ng edukasyon at mga kalsada, kahit na matagal nang sinasabi ng mga ekonomista na ang kakulangan sa pamumuhunan sa mga ito ay isa sa maseselang dahilan ng mabagal na pag-asenso ng bansa.
Binanggit niya ang isang ulat ng National Economic Development Authority (NEDA) na nagsasabing 14 porsiyento lamang ng mga kalsadang lokal ang sementado at 69% naman ng mga kalsadang pambansa na gayon ang ayos.
Ang mga paaralan sa mga liblib na pook na tinaguriang ‘Last Mile Public Schools,’ ay matatagpuan sa mga barangay na malalayo sa mga kabayanan o sentro ng bayan. Kadalasan, kulang pa sa apat ang silid-aralan nito at walang koryente, kulang sa 100 ang bilang ng mga mag-aaral at mga katutubo ang mahigit kalahati sa kanila, mababa ang uri ng mga silid-aralan, at walang dagdag na proyekto at ginawang pagkumpuni sa nakaraang apat na taon.
Nakasaad din sa HB 650 na sa kasalukuyan, mayroon mga 8,000 ‘last mile public schools’ sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, na dapat at kailangang pagtuunan ng pansin. Kailangan din umanong ilagay sa ayos ang mga pasilidad nito, at mabigyan ng pagkakataon ang mga guro nila na mapataas ang antas ng kanilang pamamaraan sa pagtuturo.