(‘Last resort’ ng PNP) WATER CANNON VS RALIYISTA

HINDI magdadalawang isip na gumamit ng water cannon ang civil disturbance unit ng Philippine National Police (PNP) sa SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga raliyista.

Subalit, nilinaw ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr na gagawin lamang nila ito kung kinakailangan o kung lalabag sa batas at hindi na makontrol ang mga militante.

Paliwanag ni Danao, last resort na ito dahil hangga’t maaari ay ayaw nilang gumamit ng dahas.

Kaya’t aniya, tuloy-tuloy ang pakikipagdayalogo nila sa mga lider ng militanteng grupo para maging organisado at payapa ang idaraos nilang pagkilos sa SONA.

Giit pa ni Danao na paiiralin ng mga nakadeploy na pulis sa SONA ang maximum tolerance.

Una nang tinukoy ng PNP ang Quezon memorial circle, loob ng compound ng Commission on Human Rights at loob ng UP Diliman Campus bilang freedom parks o mga lugar kung saan lamang maaaring magsagawa ng mga kilos protesta sa Lunes. REA SARMIENTO