LATE ENROLEES TATANGGAPIN NG DEPED

TATANGGAPIN  pa rin ng Department of Education(DepEd) ang mga late enrollee.

Kasunod na rin ito ng opisyal na pagtatapos ng enrollment kahapon kasabay nang pagbubukas ng klase para sa school year 2022-2023.

Ayon kay Atty Michael Poa, spokesman ng DepEd, ipinag-utos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa lahat ng public schools na tanggapin pa rin ang mga estudyanteng late nang pinag-enrol ng kanilang mga magulang.

Binigyang diin ni Poa na hindi dapat ipagkait ang edukasyon sa mga batang Pilipino dahil late lamang sila nakapag-enrol.

Hanggang kahapon, nasa 28, 035, 042 na ang pumasok sa eskuwelahan mula kindergarten hanggang senior high school.

Samantala, aabot sa 6,555 estudyante ang naserbisyuhan ng libreng sakay sa LRT-2 sa unang araw ng school year 2022-2023.

Batay ito sa datos ng Light Rail Transit Authority (LRTA), sa ilalim ng Student Free Ride Program simula alas-5:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon ng Lunes.