Pinawi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangamba ng undocumented Filipinos sa Amerika sa harap ng planong mass deportation sa mga ilegal na naninirahan sa Estados Unidos.
Tiniyak ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na hindi target ng mass deportation ng incoming Trump administration ang law abiding na mga Pilipino sa Amerika.
Tatlong uri ng illegal immigrants sa Amerika ang target ni incoming US President Donald Trump kabilang dito ang immigrants na kriminal, may security risk, at ang mga dayuhang pumasok sa Amerika para lamang makatanggap ng social welfare.
Wala aniyang dapat ikabahala ang undocumented Filipinos na sumusunod sa batas ng Amerika.
Nanindigan din ang DFA sa kanilang payo sa undocumented Pinoys sa Amerika na dumulog sa Philippine Embassy doon o sa mga konsulada ng Pilipinas para sa pagsasaayos ng kanilang mga dokumento.
Nakahanda naman ang Department of Migrant Workers (DMW) na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa mga Pilipino, kabilang ang mga undocumented OFWs sa Amerika.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na handa ang DMW na tulungan ang mga undocumented Filipino immigrants sa US na maaaring maapektuhan ng panukalang US mass deportation policy.