NOONG 2017, nilagdaan ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Siyempre, maraming mahihirap na estudyante ang nakapagpapatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo at nagkakaroon na ng magandang kinabukasan.
Matapos ang ilang taon mula nang lagdaan ni ex-Pres. Duterte ang batas, isinusulong naman ng kanyang anak na si Davao City Rep. Paolo Duterte at dalawa pang mambabatas na gawing libre ang pag-aaral ng abogasya sa State Universities and Colleges (SUCs).
Ang magiging kapalit nga lang nito ay ang pagseserbisyo sa gobyerno.
Hindi maitatanggi na tanging sa medical profession lamang may ganitong programa, sang-ayon sa Doktor Para sa Bayan Act (RA 11509).
Ang RA 11509 ang nagbibigay ng Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program pero hindi nga lang saklaw ng RA 10931 ang law degree.
Sinasabing ang indigent o mahihirap ang prayoridad na mag-aaral na nais mag-abogasya.
Pagkatapos nga lang daw ng pag-aaral o pagkapasa sa Bar exams, kailangan nilang magtrabaho sa Public Attorney’s Office (PAO) o ahensiya ng gobyerno na nangangailangan ng abogado sa loob ng dalawang taon habang kailangan ding makakuha ng bar exam sa loob ng isang taon matapos ang kinukuhang Juris Doctor degree.
Maganda ito dahil hindi na mangangamba ang mga law student na maaari silang tumigil sa pag-aaral dahil walang pang-tuition.
Samantala, nakalusot na pala sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, bilang kalihim ng Presidential Communications Office (PCO) lalo pa’t wala namang mabibigat na isyu laban sa kanya.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri na mismo ang nagtulak para sa agarang kumpirmasyon ni Garafil.
Bukod sa pagiging abogado, aba’y dati ring mamamahayag at may master’s degree sa National Security Administration si Garafil.
Nagsilbi rin siya bilang pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago itinalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. bilang kalihim ng PCO.
Kumbaga, malabo talagang hindi makalusot si Garafil dahil maituturing itong may tahid na sa kanyang larangan.
Mantakin ninyo, siya ay dati ring naglingkod bilang journalist sa Malaya, Philippine Daily Globe, Central News Agency, at Associated Press.
Naglingkod din si Garafil bilang Director for the Rules Committee ng House of Representatives at piskal sa Department of Justice (DOJ).
Mabuhay po kayo, Sec. Garafil, at God bless po!